1 month salary ni Pres. Duterte, ibibigay sa programa ng gobyerno laban sa COVID-19

by Radyo La Verdad | April 6, 2020 (Monday) | 11031

MANILA, Philippines – Nasa 400,000 pesos ang buwanang sahod ni Pangulong Rodrigo Duterte  at ayon kay Presidential Spokesperson and Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo, ibibigay na buo ng Pangulo ang kanyang isang buwang sweldo upang magamit sa programa ng pamahalaan sa pagresponde laban sa coronavirus disease outbreak.


Nauna nang mag-abiso ang mayorya ng mga miyembro ng gabinete ng Punong Ehekutibo na 75-porsyento ng sweldo nila ay ido-donate rin nila sa gobyerno upang magamit sa mga pangangailangan ng bansa sa gitna ng COVID-19 crisis.

Boluntaryo nila itong gagawin habang nasa ilalim ng State of Public Health Emergency ang bansa. Habang ang ilan sa kanila ay nag-pledge na ibibigay ang kanilang sweldo mula Abril hanggang sa buwan ng Disyembre.

Samantala, nasa dalawangdaang Kongresista rin ang nagkaisa para mag-donate rin ng kanilang sweldo sa buwan ng Mayo ngayong taon para maitulong sa programa ng pamahalaan laban sa coronavirus disease 2019.

Ayon kay House Speaker Alan Peter Cayetano, target ng mga mambabatas na makalikom ng inisyal na 50 million pesos mula sa kanilang hanay.

Makikipag-usap din aniya sila sa kanilang mga kakilala na maaari makapagbigay ng tulong pinansyal upang umabot sa isandaang milyong piso ang kanilang malikom.

Pag-uusapan naman ng mga Kongresista sa Miyerkules kung saang partikular na proyekto gagamitin ang halagang malilikom.

(Rosalie Coz)

Tags: ,