Mahigit 1,000 residenteng apektado ng sunog sa LPG depot sa Calaca, Batangas, pinayagan nang makauwi ng lokal na pamahalaan

by Radyo La Verdad | February 25, 2016 (Thursday) | 3499

VINCENT_LPG
Limang araw na ang nakalilipas mula nang masunog ang Liquified Petroleum Gas o LPG depot sa loob ng Phoenix Petro Terminal Industrial Park sa Calaca, Batangas.

Ngunit hanggang ngayon ay hindi pa rin ito idinedeklarang fireout ng Bureau of Fire Protection dahil sa natitirang tangke na patuloy pa ring nasusunog.

Sa kabila nito ay nagpasiya na ang lokal na pamahalaan ng Calaca na pauwiin na ang mahigit isang libong residente mula sa Barangay Salong at Barangay Camastilisan dahil mahina na naman umano ang apoy.

Ibinalik na rin ang suplay ng tubig at kuryente sa dalawang barangay ngayong araw matapos itong putulin noong Sabado.

Dalawang fire truck ng bumbero, naman ang naka-antabay sa dalawang barangay upang umasiste sakaling muling sumiklab ang apoy.

Nakatakda namang magbigay ng pahayag ang pamunuan ng South Pacific Incorporated na siyang may ari ng LPG depot nasunog sa oras na ideklara na ng BFP na fireout na ang sunog.

(Vincent Octavio / UNTV Correspondent)

Tags: , , , ,