2 bayan sa Pampanga, lubog pa rin sa baha sa kabila nang paghupa ng ulan

by Radyo La Verdad | July 18, 2018 (Wednesday) | 3443

Humupa na ang ulan sa Pampanga ngunit sa kabila nito ay 2 bayan pa rin ang lubog sa baha. Mula sa hanggang hita kahapon, bumaba na ito sa hanggang binti ang tubig sa bayan ng San Simon at Apalit.

Nananatili namang hindi madaanan ng maliliit na sasakyan ang kalsada sa bayan ng Macabebe at Masantol dahil sa taas ng tubig.

Kabilang sa mga barangay na apektado pa rin ng matinding pagbaha sa Macabebe ay ang Caduang Tete, Brgy. San Esteban, Castuli, at Candelaria.

Gayundin ang Palimpe, San Isidro, Sta. Lucia, at San Nicolas sa bayan ng Masantol.

Sa bayan ng Apalit ay lubog sa baha ang Camella Homes sa Brgy. Sampaloc sa Apalit. Traffic naman ang nararansan ng mga motorista sa bayan ng san simon dahil halos hanggang binti pa ang tubig baha dito.

Isa naman sa problema ng mga residente sa bayan ng Apalit ay ang bagong gawang kalsada sa lugar na muling nasira dahil sa palaging pag-ulan.

Naglagay ng aspalto subalit nasisira parin kapag dumadating ang baha.

Wala namang mga residente na pinalikas ang mga lokal na pamahalaan dahil sa baha.

 

( Leslie Huidem / UNTV Correspondent )

Tags: , ,