2 pulis, arestado dahil sa pangongotong sa isang terminal sa Pasay

by Radyo La Verdad | April 26, 2018 (Thursday) | 1293

Huli sa entrapment operation ng Counter Intelligence Task Force (CITF) ang dalawang pulis na nangongotong sa mga driver ng pampasaherong bus at van sa Malibay, Pasay City.

Kinilala ang dalawang pulis na sina PO2 Jerry Adjanu Jubail at PO1 Michael Mindevil Domalanta na nakatalaga sa Malibay Police Station.

Ayon kay CITF Commander PSSupt. Chiquito Malayo, 300 hanggang 500 piso ang hinihingi ng dalawang pulis sa mga drayber na nakapwesto sa isang iligal na terminal sa Pasay.

Ayon kay Malayo, kumikita ng limang libo sa isang araw ang mga pulis sa pangongotong.

Noong Marso pa nakarating sa CITF ang sumbong laban sa dalawang pulis. Imbes na ipatigil ang illegal terminal, pinagkakitaan pa ito ng dalawang pulis.

Sa ngayon, umabot na sa 71 tiwaling pulis ang nahuli ng CITF simula nang ito ay matatag noong Enero 2017.

 

( Lea Ylagan / UNTV Correspondent )

Tags: , ,