Dalawang sundalo at labintatlong Maute terrorist ang nasawi sa panibagong bakbakan sa Marawi City noong Biyernes ayon sa Armed Forces of the Philippines.
Kabilang umano sa mga napatay ang lima sa mga nagplano ng Marawi seige na sina Abdullah at Madie Maute at ang tatlo pa nilang kasabwat na sina Inspire, Utto at Saptula.
Kumpyansa naman ang militar na agad na matatapos ang kaguluhan sa Marawi City.
Una nang sinabi ni Defense Secretary Delfin Lorenzana noong nakaraang linggona kayang mawakasan ang Marawi seige sa katapusan ng Setyembre.
Ngunit ayon sa ground troops, maaaring abutin pa hanggang sa October 15 bago tuluyang maubos ang mga kalaban.
Samantala, pinag-aaralan pa ng AFP kung irerekomendang ipatigil na o tuloy pa ang pinaiiral na martial law sa Mindanao.
( Rajel Adora / UNTV Correspondent )
Tags: Marawi, Maute terrorist, sundalo
Tuloy ang pagpapadala ng isang dibisyon ng Philippine Army sa Jolo Sulu.
Ayon kay Pangulong Rodrigo Duterte, ito ay upang tapusin na ang suliranin sa terorismo at rebelyon na kumikitil sa buhay ng maraming sundalo.
Matatandaang kamakailan lamang ay ilang sundalo ang nasawi at nasugatan dahil sa engkwentro sa teroristang grupong Abu Sayyaf.
Tinatayang mayroong apat hanggang anim na libong sundalo ang bumubuo sa isang dibisyon ng Philippine Army.
Ayon kay Defense Secretary Delfin Lorenzana, pwede pang madagdagan ang bilang na ito. Ang mahalaga aniya, manatiling permanente ang pwersa ng militar sa Jolo upang matigil na ang mga karahasan sa lugar.
Target itong matapos ng pamahalaan sa loob ng dalawang taon.
( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )
Tags: Pangulong Duterte, Sulu, sundalo
Inihayag ni Pangulong Rodrigo Duterte sa isang media interview kagabi sa Jolo, Sulu na naghihinakit siya sa ilang sundalong kasabwat umano ng mga grupong nagpaplano na patalsikin siya sa pwesto.
Una nang iniulat ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na may broad collaboration umano sa mga makakaliwang grupo, Magdalo Partylist at mga miyembro ng oposisyon upang ilunsad ang Red October plot movement o oplan talsik laban sa punong ehekutibo.
Samantala, nanininiwala naman ang punong ehekutibo na hindi magtatagumpay ang anomang planong pagpapatalsik sa kaniya kung walang suporta ng Hukbong Sandatahan ng Pilipinas at pambansang pulisya.
Hindi naman niya hahayaang magkaroon ng gulo at kusa aniya siyang bababa sa pwesto kung talastas niyang ayaw na siyang maging commander-in-chief ng AFP at PNP.
Pagtitiyak naman ng pamunuan ng AFP, buo ang kanilang suporta sa kanilang kasalukuyang commander-in-chief.
Una nang nagpahayag ng pagtitiwala ang Malacañang na hindi magtatagumpay ang anomang ouster plot laban sa administrasyong Duterte dahil matindi pa rin ang tiwala ng publiko sa pamahalaan.
Gayunman, bumaba naman ang approval at trust ratings ni Pangulong Duterte batay sa pinakahuling ulat ng Pulse Asia Survey.
Mula sa 88 percent approval rating noong Hunyo 2018, bumaba ng 13 percent at naging 75 percent ang grado ng Pangulo sa buwan ng Setyembre.
12 percent naman ang ibinaba sa trust ratings nito na mula 87 percent, ay naging 72 percent na lamang ito.
Hindi naman nababahala dito ang Malacañang.
( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )
JOLO, Sulu – Nagtungo sa Camp Teodulfo Bautista Station Hospital sa Jolo, Sulu si Pangulong Rodrigo Duterte noong Sabado. Binisita nito ang 21 mga sundalong nasugatan sa iba’t-ibang engkwentro sa Abu Sayyaf group ngayong buwan sa Patikul, Sulu.
Ginawaran ang mga ito ng Pangulo ng Order of Lapu-Lapu at Rank of Kampilan Award dahil sa kanilang katapangan at mga sakripisyo sa paglilingkod sa bansa.
Nangako si Pangulong Duterte na hindi pababayaan ang mga ito at lahat ng iba pang mga sundalong nasugatan sa labanan.
Samantala, pagkatapos nito ay nagsalita naman sa harap ng mga sundalo sa kampo ang punong ehekutibo.
Ipinag-utos nito ang pagpuksa sa mga grupong sumusuporta sa Al Qaeda at Islamic State terrorist sa bansa dahil wala umanong alam ang mga ito kundi manira at pumatay.
Muli ring pinaaalalahan ng Pangulo ang mga sundalo na huwag magpapahuli sa mga terorista at mga rebelde.
Sa huli, sinabi ng Pangulo na hinahangaan nito ang katapangan ng mga sundalong Pilipino at nasa likod siya ng laban ng mga ito.
( Mirasol Abogadil / UNTV Correspondent )
Photo: SAP Bong Go
Tags: Jolo Sulu, Pangulong Duterte, sundalo