400,000 botante, nadagdag sa pinalawig na voter registration

by Radyo La Verdad | November 1, 2021 (Monday) | 6928

Dumagsa sa mga satellite registration site gaya ng mga mall ang mga kababayan nating humabol sa huling araw ng pagpaparehistro noong Sabado, Oct. 30, 2021.

Ang ilan ay sa labas ng venue nagpalipas ng gabi  at ang iba naman ay madaling araw pumila.

Ayon kay COMELEC spokesperson Dir. James Jimenez, umabot sa 400,000 ang nakapagparehistro sa extended voter registration. Lagpas ito sa kanilang inaasahan na 300,000.

Umabot naman sa 65 million ang nakapagparehistro kasama ang overseas voters na mahigit din kaysa sa target ng komisyon na 61 million registered voters.

Sinikap ng COMELC na mapabilis ang proseso upang ma-accomodate ang mas maraming botante gaya na lamang sa Quezon City.

Sa kabila nito, meron pa ring mga hindi nakapagpa-rehistro dahil sa limitadong oras. Ngunit ayon sa COMELEC, hindi na palalawigin muli ang voter registration para sa 2022 National and Local Elections.

Dante Amento | UNTV News

Tags: , ,