Accreditation ng Hype at Owto bilang bagong Transport Network Company player, aprubado na ng LTFRB

by Radyo La Verdad | April 19, 2018 (Thursday) | 4982

Pinayagan na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board na makapag-operate sa bansa ang pinakabagong Transport Network Company player na Hype.

Sa abisong ipinadala ng LTFRB kahapon, kinumpirma ni LTFRB board member Atty. Aileen Lizada na inaprubahan na nila ang certificate of accreditation ng naturang TNC na epektibo sa loob ng dalawang taon.

Bukod sa Hype, kasama rin sa mga inaprubahan ang Owto.

Halos magkahawig ang sistema ng Hype at Owto, kung saan mga pribadong sasakyan na mayroon nang mga prangkisa ang siyang mag-ooperate na mga TNVS.

Tiniyak naman ng pamunuan ng Owto na mas magiging mura ang singil nila sa pasahe kumpara sa ibang TNC dahil Pilipino umano ang siyang bumuo at nagkonsepto ng kanilang sistema.

Samantala, aprubado na rin ng LTFRB ang accreditation ng ride hailing service na Hirna.

Subalit hindi tulad ng pangkaraniwang mga TNC na mga pribadong sasakyan ang ginagamit, ang mga taxi naman ang siyang ka-partner ng Hirna.

Nais umano ng hirna na mapaganda ang imahe at serbisyo ng mga taxi kaya’t ito ang naisip nilang konsepto.

At ‘di tulad ng ibang TNC na may booking fee, tanging ang halaga na papatak lamang sa metro ng taxi ang kinakailangan bayaran ng mga pasahero.

Ang pagpasok ng mga bagong TNC ay kasunod ng nangyaring merging ng Uber at Grab upang masigurong hindi magkakaroon ng monopolyo sa serbisyo ng mga TNVS sa bansa.

(Joan Nano / UNTV Correspondent)

Tags: , , , , ,