METRO MANILA – Batay sa inilabas na circular ng Department of Justice (DOJ), babawasan ng 50% ang halaga ng piyansa ng mga akusado o hindi kaya ay P10,000 lang, depende kung ano ang mas mababa.
Sakop nito ang lahat ng may kasong ini-inquest at nasa preliminary investigation.
Ngunit ayon sa National Union of People’s Lawyers (NUPL), dapat pababain na rin ang pyansa sa mga akusadong mayroon nang pending case o nakabinbin na ang kaso.
Suhestiyon ng NUPL sa pamahalaan, palawakin ang law of recognizant upang matukoy ang karampatang piyansa sa bawat akusado.
Paliwanag ng NUPL, karapatan ng bawat akusado ang magpyansa sa mga kaukulang kaso dahil hindi pa naman napapatunayang ang kanilang pagkakasala.
Kaya dapat anila ay timbanging maigi ng mga korte ang kakayahan ng bawat akusado dahil kahit P1,000 piyansa ay hindi kinakaya ng mga maralita.
(Asher Cadapan Jr. | UNTV News)
Tags: DOJ
Nagbigay na ng opisyal na sulat ang Department of Justice sa United Nations hinggil sa ginagawang hakbang ng gobyerno upang labanan ang kaso ng child exploitation sa Pilipinas. Natalakay ang naturang isyu sa pagpupulong kahapon nina United Nations Special Rapporteur On The Sale and Sexual Exploitation of Children Mama Fatima Singhateh at Justice Secretary Crispin Remulla.
Kabilang sa mga hakbang ng Pilipinas ang pagpapasa ng Sim Card Registration Act, na ayon kay Secretary Remulla ay Implementing Rules and Regulation na lang ang hinihintay para ganap na maipatupad sa bansa.
“To speed up working out of the IRR para dito sa Sim Card Registration para immediately maging executory na at ma-identify na natin lahat ng perpetrators kasi habang ganyan ang nangyayari hanggang ngayon prepaid pa rin ang gamit nila prepaid, 3g ,4g, 5g data plans ng telco ang ginagamit nila karamihan ng kaso ng child online exploitation at siyempre sa pagbubugaw ng mga bata,” pahayag ni Sec. Crispin Remulla
Department of Justice.
Hindi na rin itinanggi ng kalihim na nangunguna ang Pilipinas pagdating sa problema sa child sexual exploitation.
Hiniling na ng Pilipinas sa UN na magkaroon ng database sharing ng mga foreigner na may ginawang krimen sa ibang bansa upang pagpasok pa lang sa Pilipinas ay agad mahuli ang mga ito.
Dante Amento | UNTV News
Inihayag ni Justice Secretary Crispin Remulla na iniimbestigahan nila ngayon sa pamamagitan ng National Bureau of Investigation ang siyam na kaso ng maling pagdeklara sa sanhi ng pagkamatay ng ilang biktima ng war on drugs ng pamahalaan.
Ayon kay Remulla, kasong falsification of document ang posibleng kahararapin ng mga sangkot.
“Siyempre, falsification ‘yan. We have cases that we are investigating now. We have nine cases that we are investigating on wrongful death. Inconsistent death certificates with the actual case of death after exhumation,” pahayag ni Sec. Crispin Remulla, Department of Justice.
Binanggit ng kalihim ang isang namatay na ang nilagay sa death certificate ay natural causes ang ikinamatay nito, pero, lumabas sa pagsusuri o autopsy ay may inconsistency.
Tiniyak naman ni remulla na mananagot ang sinomang sangkot, at hindi dapat hayaan ang mga ganitong gawain.
“Pina-follow up po namin ngayon yan. Pinag-aaralan po ng NBI ‘yong mga nakuha naming mga papeles saka findings, nine cases po ‘yan,” dagdag ni Remulla.
Kamakailan ay naglabas ng resolusyon ang Court of Appeals na dapat itama ang nakalagay sa death certificate ng isang bata na namatay sa ligaw na bala Caloocan City. Ang una kasing nakalagay ay namatay umano nito bronchopneumonia.
Dante Amento | UNTV News
METRO MANILA – Kung si Senator Robin Padilla ang tatanungin, dapat daw ireklamo ang mga umano’y nagpakalat ng tsismis laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sa pagdinig sa senado kahapon (November 28) kaugnay ng paglaganap ng fake news, nakwestyon ng mambabatas ang Office of the Press Secretary (OPS) kung bakit wala raw itong ginawa sa mga umano’y fake news na lumabas laban sa pangulo.
Matatandaang nag-trending noon sa social media ang hashtag ‘Nasaan ang Pangulo’ sa kasagsagan ng paghagupit ng bagyong Paeng noong Oktubre.
Napuna ng ilang netizen na via video teleconference lamang dumalo si Pangulong Bongbong Marcos Jr sa NDRRMC meeting na umani ng spekulasyon sa social media na posibleng wala umano sa Pilipinas ang pangulo.
Para sa senador, maituturing umanong ‘National Threat’ ang paghahanap sa pangulo.
Ayon kay OPS Undersecretary Rowena Reformina, maingat umano nilang binabalangkas ang mga pahayag at impormasyon kaugnay ng pangulo bago ito ilabas sa midya upang matiyak ang pagiging totoo nito.
Ipinaliwanag naman kalaunan ng Department of Justice (DOJ) na maaaring magsampa ng reklamo ang sinuman sa ilalim ng Article 154 ng revised penal code na nagpaparusa sa mga nagpapakalat ng maling impormasyon na maaaring magdulot ng panganib sa publiko.
(Harlene Delgado | UNTV News)