ALAMIN: mga dapat at hindi dapat gawin sa P1,000 polymer peso bill at iba pang pera

by Radyo La Verdad | July 13, 2022 (Wednesday) | 9464

METRO MANILA – Usap-usapan ngayon sa social media ang post ng isang netizen, kung saan hindi umano tinanggap sa isang mall ang kaniyang ibabayad na bagong P1,000 bill na inilabas ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).

Nakasaad sa nasabing post na hindi umano tinanggap ng store manager ang kaniyang pera dahil nakatupi ito.

Agad na naglabas ng opisyal na pamahayag ang management ng supermall at nilinaw na tumatanggap naman sila ng mga nakatuping pera.

Maliban na lang kung ito at punit o sira alinsunod na rin sa guidelines ng Bangko Sentral ng Pilipinas.

Dahil sa reklamo ng ilang mga netizen, nilinaw ng BSP na dapat pa ring tanggapin ng mga establisyimento at mga bangko ang perang nakatupi

Pero bukod dito, ano-ano pa nga ba ang mga dapat at hindi dapat gawin sa bagong P1,000 na gawa sa polymer ayon sa BSP?

Batay sa panuntunan na inilabas ng BSP, kinakailangan na panatiling maayos at hindi lukot ang pera kapag inilagay sa wallet.

Dapat ring itong panatilihin na malinis at gamitan ng sanitizers.

Sa halip na itago at gawing taong-wallet, ayon sa BSP dapat itong ipambili o impabayad upang umikot sa sirkulasyon ang pera.

Mahigpit namang ipinagbabawal na sulatan, tupiin o malukot ng sobra ang bagong P1,000 bill.

Hindi rin ito dapat punitin o lagyan ng maliliit na butas, at bawal ding lagyan ng stapler o itali ng goma para pagsasama-samahin.

Hindi rin dapat na masira ang metallic at iba pang security features nito.

Dapat iwasan din na maidikit sa apoy upang hindi masunog ang pera.

Sa ilalim ng Presidential Decree Number 247, ang sinomang mapatutunayang sumisira ng pera ay maaaring patawan ng 5 taong na pagkakakulong at papatawan ng multa ng P20,000.

Sakali naman may duda kung peke ang hawak na pera, maari itong ipasuri sa mga banko upang malaman kung maaari itong magamit.

Samantala ayon naman sa isang negosyante at presidente ng Samahan ng Mga Supermarket, mas mainam ang materyales na ginamit ng bsp sa bagong P1,000 bill na gawa sa polymer kumpara sa dati na gawa lamang sa papel na madaling malukot at magmukhang luma.

Paglilinaw ng BSP hindi lamang sa bagong P1,000 bill aplikable ang guidelines na kanilang inilabas kundi maging sa lahat ng uri ng pera mapagawa man sa papel maging ang mga barya.

(JP Nunez | UNTV News)

Tags:

Pinakamabilis na inflation para sa taong 2024, naitala ng Mayo – PSA

by Radyo La Verdad | June 7, 2024 (Friday) | 56037

METRO MANILA – Bahagyang bumilis sa 3.9% ang naitalang inflation rate sa bansa para sa buwan ng Mayo ngayong taon.

Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), bahagyang mas mataas ito kumpara sa 3.8% na naitala noong Abril.

Gayunman ito na ang pinakamabilis na inflation rate na naitala ng PSA ngayong 2024.

Pero mas mababa pa rin ito kung ikukumpara sa 6.1% na record noong may 2023.

Paliwanag ng PSA, ilan sa mga factors na naka-ambag sa pagbilis ng inflation ay ang mabilis na pagtaas ng presyo ng housing, tubig at kuryente.

Gayundin ang presyo ng mga produktong petrolyo at transportasyon.

Sa isang pahayag sinabi naman ng Bangko Sentral ng Pilipinas na ang naitalang inflation rate ay pasok pa rin sa kanilang forecast ranger na 3.7% hanggang 4.5%.

Tags: , ,

Inflation rate para sa Feb. 2024, maaaring umabot sa 2.8 to 3.6% – BSP

by Radyo La Verdad | March 1, 2024 (Friday) | 26194

METRO MANILA – Posibleng umabot sa 2.8% hanggang 3.6% ang maitatalang inflation rate sa bansa para sa buwan ng Pebrero ngayong 2024.

Base ito sa forecast ng Bangko ng Sentral ng Pilipinas (BSP).

Ilan sa mga bagay na posibleng makapagtaas sa galaw ng inflation ay ang patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pagkain gaya ng bigas, karne, at isda. Gayundin ang presyo ng langis at kuryente.

Habang maaari rin itong hilain pababa dahil naman sa mababang presyo ng gulay, prutas at asukal.

Noong Enero umabot sa 2.8% ang naitalang inflation rate sa bansa o ang pagtaas ng presyo ng bilihin at iba pang pangunahing serbisyo na binabayaran ng mga konsyumer.

Tags: ,

October inflation sa Pilipinas, posibleng nasa 5.1-5.9% – BSP

by Radyo La Verdad | November 2, 2023 (Thursday) | 20038

METRO MANILA – Posibleng umabot sa 5.1 hanggang 5.9% ang inflation rate o antas ng pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin at serbisyo sa bansa para sa October 2023 ayon sa pagtaya ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).

Ayon sa BSP, naging pangunahing dahilan dito ang mas mataas na presyo ng kuryente, LPG, mga prutas, gulay at ang pagtaas sa pamasahe sa jeep.

Maaari namang maka-contribute sa downward price pressures ang mas mababang presyo ng bigas, karne, at gulay. Gayundin ang pagbaba sa presyo ng produktong petrolyo.

Umabot sa 6.15% ang inflation noong September bunsod ng mataas na presyo ng pagkain partikular na ng bigas ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA).

Mas mataas ito sa 5.3% inflation na naitala noong August 2023.

Tags: ,

More News