Nagkaisa ang lahat ng Member States ng Association of Southeast Asian Nations o ASEAN sa panawagang itigil na ng China ang massive reclamation activities nito sa South China Sea.
Sa ASEAN Ministerial Meeting sa Kuala Lumpur, sinabi ni Malaysian Foreign Minister Anifah Aman na nagpahayag ng pagkabahala ang mga member states sa agresibong aktibidad ng China sa pinag-aagawang teritoryo.
Sa isang press statement nito lamang Martes, sinabi ni Philippine Foreign Minister Albert del Rosario na nakahanda ang Pilipinas na makipag-ayos kung ito rin ang gagawin ng China at iba pang claimants sa pinagaagawang teritoryo.
Nauna nang nagpahayag ng pagtutol ang China na buksan ang naturang isyu sa ASEAN Minister’s Meeting.
Subalit sinuportahan ng iba pang ASEAN Countries ang paninindigan ng Pilipinas.
Kabilang ang China sa dadalo sa dalawang araw na pagpupulong ng Regional Body ngayong Myerkules, August 5 at bukas, August 6.
Kasama rin sa makikipagpulong ang mga kinatawan ng Estados Unidos, Australia at Japan.
Malaking bahagi ng pandaigidigang ekonomiya ang teritoryong inaangkin ngayon ng China kung saan umaabot sa five trillion dollars na halaga ng kalakal ang ibinibyahe sa lugar taun-taon.
Batay sa datos ng United Nations Conference on Trade and Development noong 2010 ay umabot sa 8.4 billion tonelada ng kalakal ang dumaan sa rehiyon.
Ito ay kalahati ng kabuuang annual merchant fleet tonnage ng buong mundo para sa naturang taon.
Batay sa pagaaral, ito ang posibleng mawala sakaling tuluyan nang maangkin ng China ang South China Sea. (Marje Navarro/ UNTV News)
Tags: Malaysian Foreign Minister Anifah Aman, Philippine Foreign Minister Albert del Rosario