Babaeng guro, pinatay sa harapan ng kaniyang mga estudyante

by Jeck Deocampo | November 22, 2018 (Thursday) | 3844

BOCAUE, Bulacan – Dead on the spot ang isang guro matapos barilin ng dati nitong karelasyon habang nagtuturo sa Tambubong Elementary School sa Bocaue Bulacan, pasado alas-9:00 kaninang umaga.

Kinilala ang grade 4 teacher na si Melody Esber, 33-anyos, may tatlong anak at kasalukuyang nasa abroad ang asawa. Habang ang suspect naman ay si Ruperto Datwin, 40-anyos, may asawa at isang aktibong miyembro ng Armed Forces of the Philippines (AFP).

Batay sa imbestigasyon ng Bocaue PNP, pinasok ng suspect ang classroom ni Teacher Melody habang nagka-klase. Nagkaroon ng pagtatalo ang dalawa na nauwi sa pagbaril ng suspek sa guro.

Kasunod nito ay nagbaril sa ulo ang suspek na agad nitong ikinasawi. Nadamay naman ang isang estudyante na tinamaan ng bala sa balikat ngunit kasalukuyan nang nagpapagaling.

Ayon kay Bocaue Chief of Police PSUPT. Amado Mendoza, hindi matanggap ng suspect ang pakikipaghiwalay sa kaniya ni Teacher Melody. Nakuha sa crime scene ang dalang folder ng suspek kung saan nakasalaysay roon ang ‘love story’ ng dalawa.

Sa dulo ng salaysay, nakasulat ang mga katagang, “kamatayan lamang ang makapaghihiwalay sa atin.”

Dahil sa insidente pansamantalang sinuspinde ang klase sa eskwelahan. Sasailalim naman sa stress debriefing ng DSWD ang mga nakasaksing estudyante dahil sa trauma na maaring maidulot sa kanila ng nangyaring krimen.

 

(Ulat ni Nestor Torres / UNTV News)

Tags: , , , , , ,