Barker ng jeep, patay sa pamamaril sa Quezon City

by Radyo La Verdad | September 4, 2017 (Monday) | 2409

Tumambad ang katawan ng isang lalaki sa brgy. Holy Spirit, Quezon City matapos itong pagbabarilin ng dalawang armadong suspek pasado alas dies kagabi. Kinilala ang biktima na si Clark Ian Gongon, 28 años o mas kilala sa lugar sa alyas Notnot. Ayon sa QCPD SOCO, tama ng bala sa ulo ang dahilan ng pagkamatay ni alyas Notnot.

Kwento ng mga nakasaksi, nakatambay lang ang biktima sa tapat ng kanilang bahay ng lapitan ng dalawang naglalakad na suspek at saka ito pinaulanan ng bala.

Ayon sa ina ng biktima pauwi na siya ng bahay ng makarinig ng labinlimang putok ng baril. Hindi anya niya akalaing anak na pala niya ang nabiktima.

Dagdag pa nito, barker ng jeepney ang trabaho ng anak at ilang beses na ding nabarangay dahil napagbibintangang nagnanakaw. Sumuko na rin umano ito ng matokhang ng barangay at huminto na sa paggamit ng ipinagbabawal na gamot

Sa ngayon ay inaalam na mga otoridad kung may kinalaman nga ba sa droga ang motibo ng pamamaslang.

 

(Macky Libradilla / UNTV Correspondent)

 

 

Tags: , ,