Umabot sa mahigit 5 milyong views ang video ng isang batang babae na nakatulog sa Center Island sa Congressional Avenue Corner, Mindanao Avenue habang nagtitinda ng sampaguita. Kuha at ini-upload ng netizen na si Adam Timoteo ang naturang video.
Ayon sa post ni Timoteo, nagdesisyon siyang i-post ang video sa facebook para ipanawagan sa lokal na pamahalaan na iligtas bata.
Kagabi nagsagawa ng rescue operation ang mga tauhan ng Barangay Bahay Toro. Naabutan ng mga tauhan ng barangay ang pitong taong gulang na bata sa kalsada kasama ang iba pang bata at kanilang mga nanay na nagtitinda ng sampaguita.
Agad silang dinala sa barangay hall upang makausap at pagbawalan ang mga ito na magtinda at lumaboy sa highway.
Ayon kay Concesa Mallillin ng Barangay Bahay Toro, posibleng masampahan ng kasong child exploitation ang mga magulang dahil pinapapatrabaho nila ang kanilang mga anak sa murang edad.
Pero katwiran ng mga ito, wala silang makatulong sa paghahanap-buhay kaya napipilitan silang pagtindahin ng sampaguita ang mga bata.
Sa Barangay hall muna nagpalipas ng magdamag ang mga na-rescue bago dinala sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang mga menor de edad.
( Bernard Dadis / UNTV Correspondent )
Tags: Adam Timoteo, Barangay Bahay Toro, nagtitinda ng sampaguita
The Philippine Broadcast Hub
UNTV, 915 Barangay Philam, EDSA, Quezon City M.M. 1104
Radyo La Verdad © All Rights Reserved 2019
+632 8 442 6254 | Monday – Friday, 8AM – 5PM | info@radyolaverdad.com