Binatilyo sa Masbate, patay matapos makuryente habang lumilikas

by Erika Endraca | December 26, 2019 (Thursday) | 8816

METRO MANILA – Napaulat na nasawi ang 16-anyos na binatilyo sa bayan ng Mandaon sa Masbate bago pa man manalasa ang Bagyong Ursula.

Papunta na sana sa evacuation center ang biktima nang makuryente ito matapos syang madikit sa nakalaylay na kawad ng kuryente.

Isa ang bayan ng Mandaon sa nagpatupad ng preemptive evacuation bago maramdaman ang Bagyong Ursula sa lalawigan

Sa huling tala ng Masbate Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), 90 barangay ang apektado ng pananalasa ng Bagyong Ursula. Habang higit 7,000 mga residente na rin ang inilikas.

Sapat naman anila ang pangangailangan ng mga residenteng nananatili pa rin sa mga evacuation center.
Samantala Bagsak pa rin ang linya ng komunikasyon sa ilang mga lugar. Kaya’t pahirapan ang pagkalap ng datos ng PDRRMO tungkol sa iniwang pinsala ng bagyo.

Hindi pa rin naibabalik ang suplay ng kuryente sa malaking bahagi ng lalawigan simula ng maputol alas-12 ng hatinggabi araw ng Martes (Dec.24).

Sa Masbate City, may kuryente na simula umaga ng Miyerkules (Dec.25). 145 pasahero naman ang nananatiling stranded sa mga pantalan ng Cawayan, Cataingan at Masbate City.

(Gerry Galicia | UNTV News)

Tags: