Budget Secretary Diokno, tiwalang maisasabatas ang Rice Tariffication Bill

by Jeck Deocampo | February 14, 2019 (Thursday) | 9116
File photo: Presidential Communications | RTVM

METRO MANILA, Philippines – Kung hindi ibi-veto ni Pangulong Rodrigo Duterte, nakatakda nang maging batas ang Rice Tariffication Bill sa Biyernes, Pebrero 15.

Sa ilalim nito, aalisin ang limitasyon sa pag-aangkat ng bigas ng pribadong sektor sa bansa.

Kumpiyansa naman si Budget Secretary Benjamin Diokno na hindi ito ibi-veto ng Punong Ehekutibo. Nagpadala na rin siya ng sulat sa tanggapan ni Pangulong Duterte upang hikayatin itong pirmahan na ang panukala.

“We just sent a memo to the President strongly urging the signing of the Rice Tariffication Bill. I understand there are strong lobby for veto but let’s wait. It could either lapse into law or the President will approve it but certainly a veto is not possible, I think.”

Oras na maisabatas ang Rice Tariffication Bill, hindi na rin nangangailangang humingi ng import license ang mga rice trader sa National Food Authority (NFA).

Ibig sabihin, mawawala na ang regulatory function ng NFA sa rice importation.

Dagdag naman ni Diokno, ang Department of Finance na ang bahalang maghanap ng solusyon sa utang ng NFA na tinatayang nasa 200 bilyong piso.

Samantala, sinabi rin ng kalihim na naghahanap ng paraan ang economic managers ni Pangulong Duterte kung papaano makatutulong sa pagpapalago ng sektor ng agrikultura.

Noong 2018, 0.1 percent ang naiambag ng sektor na ito sa paglago ng ekonomiya ng bansa.

“We have to put pressure on this sector to improve themselves and increase productivity because right now, they are not competitive. Our production cost is much higher than the whole price of rice for example,” aniya.

Sa nakalipas na cabinet meeting ni Pangulong Duterte, pinag-usapan ang mga paraan kung paano mapapagaan ang kabuhayan ng mga magsasaka at mangingisda. Gayun na rin kung paano ang epektibong paraan ng pagpapautang at pagpapaigting sa agricultural productivity.

(Rosalie Coz | UNTV News)

Tags: , , , ,