METRO MANILA – Nanindigan si Deputy Speaker Rufus Rodriguez noong Martes (January 18) na dapat na aniyang bitawan ng kongreso ang usapin patungkol sa Charter Change (Cha-Cha) at iwan nalang ito sa susunod na Kongreso.
Ayon sa kaniya, wala na silang oras para pag-usapan pa ang resolusyon at iba pang Cha-cha proposals bago ang nalalapit na election campaign sa parating na 2 linggo kaya marapat umanong hayaan na ang susunod na Kongreso na mag-asikaso tungkol dito.
Ipinahayag ito ni Rodriguez matapos ihain ni Pampangga Representative Aurelio “Dong” Gonzales Jr. ang Resolution of Both Houses (RBH) No. 7 o ang bagong hakbang sa pagsusulong ng Cha-Cha sa Committee on Constitutional Amendments na dating pinamunuan ni Rodriguez.
Dagdag pa ni Rodriguez na pabayaan nalang ang 19th Congress na pagdesisyunan ang magiging kapalaran ng Cha-Cha sa unang taon ng kanilang termino.
(Jasha Gamao | La Verdad Correspondent)
METRO MANILA – Naghain ng panakulang batas sina Davao City 1st District Rep. Paolo Duterte at Rep. Eric Yap ng Lone district ng Benguet na naglalayong itaas ang bilang ng dibisyon ng National Labor Relations Commission (NLRC) mula 8-9 upang higit na mapabuti ang paghawak ng quasi-judicial body sa labor cases.
Magdaragdag ng 9th division ng NLRC ang House Bill (HB) No. 4958 sa Davao para humawak ng mga kaso sa Mindanao at magdaragdag ng 3 pang komisyoner.
Ang NLRC ay isang quasi-judicial body ng Department of Labor and Employment (DOLE) na nangangasiwa, namamahala sa pamamagitan ng sapilitang arbitrasyon, at lumulutas sa mga alitan sa paggawa.
Sa kasalukuyan ay mayroong 8 dibisyon ang NLRC, kung saan ang una hanggang ika-6 ay matatagpuan sa Metro Manila, ang ika-7 ay sa Cebu at ang ika-8 sa Cagayan de Oro na binubuo ng tig-3 miyembro — ang namumunong komisyoner mula sa gobyerno at 2 pang miyembro na kumakatawan sa mga sektor ng manggagawa at employer.
Balak ng panukalang batas na suportahan ang misyon ng NLRC na lutasin ang labor cases sa pinakamakatarungan, pinakamabilis, hindi magastos at pinaka-epektibong paraan.
(Andrei Canales | La Verdad Correspondent)
METRO MANILA – Isinulong ni House Committee on Local Government Chairman at Valenzuela City Representative Rex Gatchalian na tuluyan nang ipagbawal ang bentahan, distribusyon at paggamit ng mga “firecracker” o paputok at iba pang pyrotechnic devices.
Nakapaloob ito sa House Bill 5914 o “Firecrackers Prohibition Act” na inihain ni Gatchalian na layuning mabawasan o mapigilan ang mga nasasaktan, nasusugatan o nagtatamo ng pinsala dahil sa firecrackers.
Kapag naisabatas, ang mga lalabag sa unang pagkakataon ay papatawan ng multang P1,000 at kulong na hindi higit sa 1-buwan, kapag inulit ang paglabag ay multang P3,000 o kulong na hindi higit 3-buwan ang kakaharapin habang sa ikatlong paglabag ay naghihintay ang parusang kulong hanggang 6-buwan at multang P5,000.
Mananagot naman ang presidente o general manager ng establisyimentong lalabag at kakanselahin din ang business permit ng negosyo kapag nakatatlo itong paglabag.
Sa ilalim ng panukala ni Gatchalian, ang mga korporasyon o kumpanya ay dapat munang kumuha ng “special permit” mula sa Philippine National Police Fire and Explosive Office.
Tags: CONGRESS, firecrackers, total ban
METRO MANILA – Sa ilalim ng aprubadong 2021 general appropriations bill, nasa P23-B ang inilipat para sa rehabilitasyon ng mga sinalanta ng bagyo.
Ayon kay House Appropriations Committee Chairperson Eric Yap, kasama rito ang pondo ng ilang infrastructure projects na maaaring hindi na maiimplementa na nakwestiyon noon ni Senator Panfilo Lacson.
Pero bago maratipikahan ang Bicam report sa senado, napuna naman ni lacson kung bakit tumaas pa lalo ang budget ng dpwh gayong malaki ang underspending o hindi paggastos ng pondo ng ahensya sa mga nagdaang taon.
Mula sa P666-B na isinumiteng panukalang pondo para sa DPWH, tumaas ito sa P694-B sa bicam report.
Ayon kay Senate Finance Committee Chairman Sonny Angara, isa sa dahilan ay ang paghabol sa mga naantalang projects dahil sa Covid-19 pandemic.
Nakwestiyon rin ni Lacson kung bakit natapyas ang pondo para sa national broadband program.
Mula sa idinagdag na limang bilyong piso sa bersyon ng senado, lumiit na lamang ito sa halos dalawang bilyong piso.
“In the bicam they decided to withdraw it because they were citing the low utilization rate of 21%.” ani Senate Finance Committee Chairman Sonny Angara.
“In-increase nila ng P28-B ‘yung DPWH? (jumpcut) these are my argument, low utilization rate. Now, they are using the same argument sa dict?” ani Sen. Panfilo Lacson
Ang ilang senador, napuna rin ang tila kakulangan sa detalyadong plano para sa magiging gastos at distribusyon ng Covid-19 vaccines.
Nasa P72.5-B ang nakalaan para sa Covid-19 vaccine sa ilalim ng national budget. P2.5 –B ang nakalaan para sa bakuna sa ilalim ng Department Of Health (DOH) habang P70-B naman ang nasa unprogrammed funds o ‘yung popondohan pa lamang.
Dagdag ni Angara, madadagdagan pa ito ng sampung bilyong piso kapag naipasa na ang batas na magpapalAawig sa validity ng mga hindi na nagastos na pondo. Sa ilalim ng Bayanihan to Recover as One Act o Bayanihan 2.
Nangunguna pa rin ang sektor ng edukasyon sa may pinakamakalaking pondo sa ilalim ng panukalang budget na may P708-B. Sumunod naman ang DPWH na may P694-B at ang sektor pangkalusugan na may P287-B.
Paliwanag ng mga mambabatas, nakakalat umano sa mga ahensya ng gobyerno ang pondo para sa covid-19 response gaya ng pondo para sa quarantine facilities na inilagay sa dpwh kaya mas mataas ang pondo nito kumpara sa health sector.
Tiniyak din ni Angara na walang ‘pork’ at lumpsum ang panukalang budget.
Dagdag naman ni House Committee On Appropriations Chairperson, Rep. Eric Yap, hindi talaga pwedeng gawing magkakapareho ang pondo para sa infrastructure projects sa mga distrito.
Samantala, hindi naman nagalaw ang tinatayang nasa P19-B na budget ng kontrobersiyal na National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).
(Harlene Delgado | UNTV News)
Tags: 2021 budget, CONGRESS, Senate