Comelec, bukas sa panukalang 1 week extension ng Voter Registration pagkatapos ng COC filing

by Erika Endraca | September 24, 2021 (Friday) | 6440

METRO MANILA – Pasado na sa ikalawang pagbasa sa senado ang panukalang batas na layong i-extend ang voters registration ng 1 pang buwan o hanggang October 31, 2021 habang may kaparehong panukala na rin ang nakahain sa kamara.

Pero nakiusap ang Comelec sa mga mambabatas na kung maaari ay isang linggong extension na lamang pagkatapos ng filing ng Certificates of Candidacy (COC) na mula October 1 hanggang 8.

Pero hirit naman ng mga mambabatas, gawin na itong kahit 2 Linggo.

Sinabi ng Comelec na pag-aaralan ito at ipaaabot sa Comelec en banc.

Pero sa ngayon nananatili ang desisyon ng komisyon na hanggang September 30 na lamang ang voter registration.

Samantala, matapos maipagpaliban noong September 19, plano nang ituloy ng comelec ang simulation sa gagawing botohan sa 2022 elections pagkatapos ng COC filing.

Ayon sa Comelec, ilang senaryo ang susubukan sa simulation.

Kabilang na rito ang pagkakaroon ng 2 kwarto sa isang clustered precinct kung saan ang isa ay voting room at ang isa ay waiting area.

Susubukan din na tatlong silid ang gagamitin kada clustered precinct kung saan 2 ang voting rooms habang ang isa ay waiting area.

Pero ayon Kay Caloocan City 2nd District Representative Edgar Erice, kung dadamihan ang kwarto para sa mismong pagboto, kailangan ding dagdagan ang poll watchers.

Ayon sa Comelec, kasama rin sa isa-simulate ang pagpapabilis sa verification at identification process ng mga botante na karaniwang tumatagal dahil iisang tao lamang ang humahawak ng listahan.

“Meron tayong clustered precinct na magsimulate na ispread out natin yun na 2 to 3 poll workers na hahawak at mag-identify ng botante and of course the giving and the distribution of ballots. I-simulate din natin ‘yan so that if ok yan, mabilis, then we don’t have to go through the 2-3 classrooms.”ani Comelec Deputy Executive Director Teopisto Elnas .

Nakahanda na ang Comelec para sa simulation at naghahanap na lamang ng lugar na pagdadausan.

Inalok naman ni Cavite Fourth District Representative Elpidio Barzaga ang lungsod ng Dasmarinas para gawing lokasyon ng Comelec.

(Harlene Delgado | UNTV News)

Tags: ,