Sa ikalawang pagkakataon, failure ang 2nd bidding para sa refurbishment ng PCOS machines.
Tatlong kumpanya ang bumili ng bid documents.
Ngunit sa isinagawang bidding nitong sabado, tanging ang joint venture ng Dermalog, Avante and Stone of David ang nagsumite ng bid proposal.
Umatras sa bidding ang Smartmatic at Miru Systems dahil sa kakulangan ng panahon para maisagawa ang refurbishment sa mahigit 81,000 lumang PCOS machines.
Subalit kahit may bidder, nauwi pa rin ito sa isang failed bidding matapos ideklarang ineligible ang joint venture ng Dermalog dahil hindi nito natugunan ang hinihinging requirements.
Dahil 2 beses nang nangyariang failure of bidding maari nang pumasok ang Comelec sa direct contracting.
Gayunpaman, pag-uusapan pa ng Comelec en Banc ang pinal na hakbang sa kanilang sesyon bukas.
Bukod sa pagrefurbish sa mga lumang PCOS machine kabilang din sa opsyon ng Comelec ang pag renta ng may 71,000 bagong OMR machines.
Subalit kung itutuloy naman ng Comelec ang direct contracting,magiging usapin pa rin ang kumpanyang kanilang lalapitan.
Nanindigan naman si Comelec Commissioner Christian Robert Lim na kapos na sa panahon ang Comelec upang tumanggap pa ng ibang teknolohiya liban sa OMR para sa 2016 polls.
Kung gagamit aniya ng ibang teknolohiya, magsasagawang muli ng panibagong bidding para dito.
Sa usapin ng pagkuha ng mga bagong makina, nitong nakaraang linggo ideneklara na ng Special Bids and Awards Committee 1 na winning bidder ang Smartmatic para magsuplay ng 71,000 new OMR voting machines.
Hindi muna umakto sa rekomendasyon ang en banc dahil inaabangan ang kalalabasan ng bidding ng refurbishment option.
Tags: Comelec Commissioner Christian Robert Lim, Special Bids and Awards Committee 1