Cong. Vilma Santos-Recto at Lipa City Mayor Sabili, maglalaban bilang kinatawan ng 6th District ng Batangas

by Radyo La Verdad | October 16, 2018 (Tuesday) | 1985

Naghain na ng kaniyang Certificate of Candidacy si Lipa City Mayor Maynard Sabili sa pagka-kongresista sa ika-anim na distrito ng Batangas.

Makakatunggali niya si incumbent Congresswoman Vilma Santos-Recto, una nang naghain ng kaniyang COC noong nakaraang linggo.

Maglalaban naman sa mayoralty race sa Lipa ang asawa ni Sabili na si Bernadette at ang kasalukyang Vice Mayor ng siyudad na si Erick Africa.

Sa Cebu City, maglalaban naman sa gobernatorial race sa Cebu ang kasalukuyang gobernador ng lalawigan na si Hilario Davide III at 3rd District Representative Gwendolyn Garcia.

Noong nakaraang Biyernes ay opisyal na naghain si Garcia ng kanyang COC sa ilalim ng One Cebu-PDP Laban. Si Garcia ang kauna-unahang lady governor sa probinsya na nanungkulan mula 2004 hanggang 2013.

Samantala, nagpaalam na sa mga kawani ng Bureau of Corrections (BuCor) si Director General Ronald Bato Dela Rosa.

Sa kanyang huling flag raising ceremony, nagpasalamat si Bato sa kooperasyon ng mga tauhan ng BuCor kasabay ng paghingi ng paumanhin sa mga masasakit na salitang kaniyang bitiwan noon.

Umapela din ito sa mga taga-BuCor na suportahan sino man ang papalit sa kanya sa pwesto.

 

( Sherwin Culubong / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,