Convoy night dry run para sa ASEAN, isinagawa ng MMDA

by Radyo La Verdad | November 8, 2017 (Wednesday) | 1033

Naging maayos sa kabuoan ang isinagawang huling convoy dry run para sa gagawing 31st ASEAN Summit sa bansa ayon sa Metropolitan Manila Development Authority o MMDA.

Alas 12:00 ng madaling araw nang magsimula ang dry run na nagsimula sa Clark, Pampanga papunta ng Pasay City.

Siyam na convoy ang tumawid mula sa Southbound lane ng NLEX na tumagal hanggang alas 4:00 ng umaga.

Ayon kay Celine Pialago, Spokesperson ng Metropolitan Manila Development Authority o MMDA, naging ‘smooth’ ang daloy ng convoy dahil kaunti lamang ang mga sasakyan noong isinagawa ang dry run at inaasahan din nilang magiging konti rin ang volume ng mga ito sa mismong araw ng summit dahil idineklara itong special non-working holiday.

Sa kasagsagan ng dry run, nagpatupad ng stop and go traffic scheme sa kahabaan ng Edsa.

Hanggang alas 5:00 na ng umaga, ramdam pa ng mga motorista ang epekto sa traffic ng isinagawang convoy dahil inabot pa nila ang build up ng mga sasakyan na naidulot nito.

Samantala, sinimulan na ngayong araw ang partial lockdown sa CCP Complex sa Pasay City.

Sakop ng lockdown ang Philippine International Convention Center o PICC at Hotel Sofitel.

 

Dahil dito, lahat ng mga kalsadang nakapalibot sa mga apektado ng lockdown ay hindi madaraanan ng mga motorista maliban na lamang sa mga delegado ng ASEAN Summit.

 

Una nang nagpalabas ng memorandum circular ang Malakanyang at sinususpinde ang trabaho sa lahat ng government offices na nasa loob ng PICC Complex mula ngayong Nov. 8 hanggang sa Nov. 12.

 

( Reynante Ponte / UNTV Correspondent )