Dalawang lalaki, arestado matapos manggulo sa isang bar sa Quezon City

by Radyo La Verdad | October 9, 2017 (Monday) | 1718

Arestado sa isinagawang follow-up operation ng mga pulis ang dalawang lalake na inireklamo ng pananakit sa isang bar sa Tomas Morato, Quezon City kaninang alas dos ng madaling araw.

Natunton ng mga otoridad ang dalawang suspek na sina alyas Earlo, 17 anyos at Mario Mendoza, 24 anyos sa kanilang mga bahay sa Scout Torillo at Scout de Guia, Brgy. Kamuning.

Kwento ng nagreklamong biktima na si alyas Rod, nag-iinuman sila sa bar kasama ang ilang kaibigan nang mapagtripan ng grupo nila Mario. Inawat niya umano ito para hindi na lumaki ang gulo subalit pag dating sa labas ay sinuntok siya ni Mario at binato ni Earlo.

Malaking bukol sa kaliwang bahagi ng ulo ang tinamo ni alyas Rod dahil sa insidente.

Aminado ang mga suspek sa bintang ng biktima pero dipensa ni Mario naangasan siya sa biktima kaya nya ito nasaktan.

Sa inisyal namang imbestigasyon ng mga pulis, napag-alaman na sumuko na pala sa tokhang ng barangay ang menor de edad na si Earlo.

 

( Victor Cosare / UNTV Correspondent )

 

 

Tags: , ,