Dalawang suspek sa robbery-motornapping sa Quezon City, patay sa engkwentro

by Radyo La Verdad | November 28, 2018 (Wednesday) | 17956

Humantong sa engkwentro ang pag-aresto sana ng mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) sa apat na lalaking suspek sa pagnanakaw ng motorsiklo at robbery incidents sa Barangay Gulod sa Novaliches, Quezon City pasado alas dose kaninang madaling araw. Sa halip na kusang sumuko, nagtangka pang tumakas ang mga suspek.

Dead on the spot ang dalawa sa mga ito na walang pagkakakilanlan ngunit tinatayang nasa pagitan ng edad na dalawampu’t lima hanggang tatlumpu’t limang taon gulang.

Ayon sa mga otoridad, bago ang engkwentro ay inireport sa tanggapan ng Novaliches Police Station ang magkahiwalay na insidente ng motornapping at robbery sa lugar.

Unang tinangay ng apat na suspek ang motorsiklo ng isang lalaki sa Doña Isaura, pasado alas nuwebe kagabi. Nakasuot umano ang mga ito ng face mask at jacket habang sakay ng dalawang motorsiklo.

Makalipas ang isang oras, hinoldup naman ng dalawa sa mga suspek ang mag-asawa na nasa tapat ng isang bangko sa bahagi ng Quirino Highway.

Nakuha sa mga biktima ang isang bag na naglalaman ng cellphone at tatlong libong piso. Bunsod nito, agad na nagsagawa ng follow up operation ang mga tauhan ng QCPD laban sa mga suspek.

Patuloy pang tinutugis ng mga pulis ang dalawa pa sa mga nakatakas na suspek.

 

( Asher Cadapan Jr. / UNTV Correspondent )

Tags: , ,