Dating tagapagbantay at tagalinis ng CR, nakapagtapos ng pag-aaral at Top-8 sa Licensure Exam for Veterinary Medicine

by Erika Endraca | March 5, 2021 (Friday) | 2749

METRO MANILA – Sipag at tiyaga ang naging sandata ni Christian Canceran sa kabila ng kahirapan sa buhay.

Si Christian ay dating naglilinis at nagbabantay ng banyo upang may pambili ng mga gamit at libro habang siya ay nag-aaral sa kolehiyo.

Sa kanyang determinasyong maabot ang pangarap ay nagsumikap siyang magtapos sa pag-aaral at kamakailan lang ay naging pang-walo siya sa topnotchers ng Licensure Examination for Veterinary Medicine.

“Sa bawat kalansing ng barya sa aking bulsa, nadaragdagan ako ng pag-asa at determinasyon upang magpatuloy, upang makapagtapos sa aking pag-aaral.” ani Christian Canceran

Si Christian ay pang-apat sa 6 na magkakapatid. Mahirap lamang ang kanilang pamumuhay kaya naman para makapagpatuloy siya sa kanyang pag-aaral ay nasubukan niyang magtrabaho bilang crew ng mga fast food chain, assistant sa isang eye clinic, naging elevator operator ng isang ospital at tagapagbantay at tagalinis ng mga banyo upang kumita ng pera at masuportahan ang kaniyang pag-aaral.

Bagamat hindi siya nakapag-enroll sa isang review center at self-study lamang ang kanyang ginawa ay nagawa parin niyang maging pang-walo sa topnotchers ng Licensure Exam for Veterinary Medicine na lubos naman niyang ipinagpapasalamat sa Dios.

(Kyle Nowel Ballad | La Verdad Correspondent)

Share and Enjoy !

0Shares
0 0

Tags: , ,