Davao police, iniimbestigahan na ang lumabas na panibagong video ng Samal Island kidnappers na humihingi ng P4-B ransom money

by Radyo La Verdad | November 4, 2015 (Wednesday) | 980

SAMAL-ISLAND
Sa panibagong video na in-upload sa internet ng grupong dumukot sa tatlong dayuhan at isang pilipina sa isang resort sa Samal Island sa Davao del Norte noong September 21, pinagsalita ang mga bihag na Canadian at Norwegian National upang magbigay ang kanilang pamahalaan ng ransom kapalit ng kanilang kalayaan.

Hindi naman binanggit ng mga kidnapper sa walumpu’t pitong segundong video kung kailan ang deadline sa pagbabayad ng ransom ngunit babala nila na papatayin ang mga bihag kung hindi maibibigay ang kanilang demand.

Noong October 12 unang naglabas ng video ang mga kidnapper na humihiling na itigil ng pamahalaan ang law enforcement operation upang masimulan na ang negosasyon.

Ayon kay Senior Superintendent Antonio Rivera, ang tagapagsalita ng Davao Regional Police, patuloy na nilang iniimbestigahan ang video.

Muli ring tiniyak ni Supt. Rivera na tinutugis ng Task Force Oceanview ang mga suspek upang mabawi ang mga bihag.

Ngunit sa ngayon ay tumanggi muna silang magbigay ng impormasyon sa media para na rin sa kapakanan ng mga biktima.

Samantala, tiniyak naman ng Canadian Department of Foreign Affairs na patuloy na silang nakikipag-ugnayan sa Philippine Authorities kaugnay ng insidente.

Tumanggi na rin silang magbigay ng anumang pahayag sa pangambang maka-apekto ito sa isinsagawang operasyon. (Janice Ingente/ UNTV News)

Tags: