DILG, hinikayat ang mga LGU na magsumite ng kumpleto at wastong vaccination information sa Vaccine Information Management System

by Erika Endraca | September 14, 2021 (Tuesday) | 7431

METRO MANILA – Kaalinsabay ng paglulunsad ng pilot testing ng VaxCertPH program sa Metro Manila, hinikayat ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang lahat ng Local Government Unit (LGU) na bilisan ang pag-upload sa mga datos ng vaccinated individuals para sa digital vaccination certificates.

Nilinaw naman ng ahensya na dapat kumpleto at tama ang datos na ia-upload sa Vaccine Information Management System (VIMS).

Ayon kay DILG Secretary Eduardo Año, magsisilbing patunay ang digital certificate na nabakunahan na ang isang indibidwal lalo na ang mga nagbabalak na magbyahe sa ibang bansa kung saan hinahanapan ng vaccination certificate.

Ang VaxCertPH ay isang self-service web portal na ginawa ng Department of Information and Communications Technology (DICT) para sa Department of Health (DOH) upang mas mapabilis ang paglikom ng datos sa mga nabakunahan.

Sakaling matapos ang pilot testing sa Maynila ay ilulunsad na rin ito sa iba’t ibang panig ng bansa.

(Kyle Nowel Ballad | La Verdad Correspondent)

Tags: , ,