DOH, iginiit na walang pneumonia outbreak sa Pilipinas

by Jeck Deocampo | January 16, 2019 (Wednesday) | 1095

METRO MANILA, Philippines – Itinuturing ng Department of Health na “flu season” ang buwan ng Disyembre hanggang Pebrero dahil bahagyang may pagbabago ang klima ng bansa na kung minsan ay malamig at kung minsan naman ay mainit.

Ayon kay DOH Spokesperson Undersecretary Eric Domingo, ito ang dahilan kaya marami ngayon ang may sipon, ubo at nilalagnat na mga sintomas ng flu o trangkaso.

Pero wala umanong pneumonia outbreak sa bansa na gaya ng pangamba ng ilan, “wala naman, ang pneumona kasi complication iyan ng flu. So kapag mahina ang katawan, may mga pasyenteng nauuwi sa pneumonia at hindi naman ganoon kadami,” ani Domingo.

Katunayan aniya, batay sa ulat ng DOH ay mas mababa ng 13 porsyento ang naitalang kaso ng flu simula ika-1 ng Enero hanggang ika-31 ng 2018 kumpara sa kaparehas na panahon noong 2017.

Ayon pa sa Kagawaran, mabilis aniyang kapitan ng flu ang mga kabataan at matatanda lalo na ang mga may sakit sa puso at diabetes. Kaya dapat anila na magpaturok ng flu vaccine.

Narito ang payo ng mga eksperto para makaiwas magkasakit:

  1. Umiwas sa maraming tao at mag-suot ng face mask lalo na kung ikaw ang may sakit;
  2. Panatilihng malinis ang katawan at laging maghugas ng kamay;
  3. Magtakip ng bibig at ilong kapag sinisipon at inuubo;
  4. Uminom ng maraming tubig;
  5. Huwag nang pumasok sa trabaho o paaralan kung nakakaramdam ng malalang sipon at ubo upang huwag nang makahawa sa iba.
  6. Kapag umabot ng mahigit isang linggo ang ubo, sipon at lagnat, agad na magpakonsulta sa doktor upang huwag itong mauwi sa pneumonia.

(Aiko Miguel | UNTV News)

Tags: , , , ,