Election paraphernalia at supplies, ipinamamahagi na sa mga polling precincts

by Radyo La Verdad | May 14, 2018 (Monday) | 1152

Nagsimula nang maghanda ang mga guro sa pagbubukas ng botohan para sa barangay at Sangguniang Kabataan elections sa Jose P. Rizal Elementary School sa Tondo, Maynila kaninang umaga.

Pagpatak ng alas singko ng umaga ay ipinamahagi na ang mga election paraphernalia at supplies sa mga kaukulang polling precincts sa loob ng mga eskwelahan.

Dinala ng Comelec katuwang ang swat team ng Manila Police District (MPD) ang mga ballot boxes sa Jose P. Rizal Elementary School noong Sabado at ipinamahagi ito sa iba pang eskwelahan kahapon.

Para makasiguro sa seguridad ng mga election paraphernalia, binantayan na ito ng ilang mga guro na nanatili na lang sa loob ng eskwelahan. Bagaman ipinagbabawal ang paglapit ng mga pulis sa polling precincts, tumutulong pa rin ang mga tauhan ng MPD para sa pagpapanatili ng katahimikan at kaayusan sa paligid ng mga paaralan.

Bandang alas tres ng madaling araw nagsimulang dumating ang mga gurong magsisilbi bilang mga board of election tellers.

Sa kasalukuyan ay tahimik pa rin ang sitwasyon sa mga polling precincts sa syudad ng Maynila, patuloy pa ring ipinatutupad ang Comelec gun ban maging ang liquor ban na nagsimula kahapon bagaman sa buong magdamag ay wala pang naiuulat na nahuli kaugnay nito.

 

( Asher Cadapan Jr. / UNTV Correspondent )

Tags: , ,