Filipino-American child swimmer Clark Kent, pinarangalan ng Philippine Consulate

by Radyo La Verdad | August 21, 2018 (Tuesday) | 885

Ipinagmamalaki ng mga kababayang Filipino-Americans sa nakamit na karangalan ng Fil-Am young swimmer na si Clark Kent matapos nitong mabreak ang 1995 record ng American olympic swimmer na si Michael Phelps.

Bilang pagkilala sa tagumpay ni Kent, isang pagkilala ang ibinigay sa kaniya ng Philippine Consulate sa San Francisco. Tinanggap ni Clark ang parangal ng Filipino community sa Salinas Valley.

Pitong taong gulang pa lamang si Clark Kent nang isinaisip niya na hangarin na talunin ang rekord ng US swimming olympian na si Michael Phelps. At sa edad sa sampu, noong ika-30 ng Agosto ay natupad ito ng tinaguriang Little Superman.

Katapusan ng buwan ng Hulyo ng sumabak sa Far West International Championship sa California. Dito nakuha niya ang kampeonato at naitala ang 1:09:38 na rekord para sa 100 meter butterfly. Mas mabilis ito ng isang segundo sa rekord na hawak ni Michael Phelps sa loob ng 23 taon.

Dahil dito, umani si Clark Kent ng pagkilala at paghanga ng marami. Nakuha rin niya ang pansin ni Phelps na nagbigay pa ng payo dito na huwag susuko sa kanyang mga pangarap.

Hindi lamang sa larangan ng swimming ang specialty ni Clark, madami siyang mga abilidad na hinahangaan ng kaniyang mga teammate at coaches.

Ayon sa kanila, isang role model si Clark sa kaniyang kapwa kabataan at isang mabuting halimbawa para sa kanila.

Sinisigurado naman nito na prayoridad pa rin niya ang pag-aaral bago gawin ang lahat ng extra curricular activities at swimming practises.

Sa kabila ng nakamit na tagumpay, payo ni Clark sa mga kapwa kabataan na unahin ang pag-aaral upang makamit ang pangarap.

 

( Abi Valdez / UNTV Correspondent )

Share and Enjoy !

0Shares
0 0 0

Tags: , ,