PARAÑAQUE CITY, Metro Manila – Masayang dumating sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ngayong araw ang mga Pilipinong lumahok sa World Championships of Performing Arts sa California U.S.A. nitong buwan ng Hulyo.
Bitbit ng Philippine team na may 86 na participants ang mahigit 200 mga medalya, plake at badges mula sa iba’t-ibang larangan ng performing arts gaya ng singing sa iba’t-ibang genre, musical instrument playing, acting, dancing at modeling. Lumahok ang mahigit 55 bansa upang makuha ang award para sa Junior and Senior Grand Champion of the World of Performing Arts Philippine team awards sa WCOPA.
Ilang beses nang nakuha ng Pilipinas ang WCOPA Grand World Champion Award simula nang sumali ang bansa noong taong 2005.
Bagaman hindi nakuha ng Pilipinas ang gantimpalang ito ngayong taon, nakapasok naman sa grand finals ang apat na entry ng bansa sa senior division habang tatlo naman sa junior division.
Ayon sa grupo, maagang maghahanda ang mga ito para sa WCOPA 2019 kung saan plano nitong tumanggap na ng mga aplikante sa susunod na buwan upang agad na makapag-ensayo.
( Asher Cadapan Jr. / UNTV Correspondent )