Gusali ng Land Management Bureau at tatlong katabing establishimento, nasunog sa Maynila

by Radyo La Verdad | May 28, 2018 (Monday) | 3870

Tinupok ng apoy ang buong gusali ng Land Management Bureau (LMB) ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa Plaza Cervantes, Binondo Manila.

Ayon sa inisyal na ulat ng Bureau of Fire Protection (BFP).  Nag-umpisa ang sunog sa alas dose y medya kaninang madaling araw.

Agad itinaas sa Task Force Bravo ang alarma dahil bukod sa pitong palapag ng LMB na nasusunog, may katabi pa ito na residential building na bahagyang nasunog.

Nadamay din sa sunog ang katabi nitong pitong palapag na gusali ng BPI at Pacific Company. Gawa sa kahoy ang gusali ng LMB na itinayo pa noong 1930’s, kaya mabilis kumalat ang apoy.

Ayon sa isang trabahador ng gusali nagsilabasan sila nang makaramdam ng may nahuhulog na bagay sa kanilang kinatatayuan sa loob ng gusali.

Naglalaman ang LMB Building ng mga mahahalagang papeles tulad ng mga titulo ng mga ari arian na kasama nang naabo sa sunog.

Ayon kay Atty. Emilyn Talabis, direktor ng LMB, may back-up naman sila ng mga nasunog mga records ng mga titulo ng lupa sa loob ng gusali.

Samantala, tatlong fire volunteer naman ang nasugatan at wala pa namang napaulat na nasawi sa insidente. Sa ngayon ay patuloy na inaalam ng mga otoridad ang sanhi at kabuuanng halaga ng napinsala sa sunog.

Pansamantala muna sinupindi ang pasok ng mga empleyado ng LMB, habang naghahanap pa sila ng lilipatang opisina.

 

( Reynante Ponte / UNTV Correspondent )

Tags: , ,