Hiling na taas presyo sa ilang produkto, pinag-aaralan pa ng DTI

by Radyo La Verdad | October 27, 2022 (Thursday) | 4790

METRO MANILA – Inikot ng mga tauhan ng Department of Trade and Industry (DTI) consumer protection group ang 2 supermarket sa Quezon City kahapon (October 26).

Ilan sa mga tiningnan ang presyo ay ang kape, mga de lata, noodles at naka-boteng tubig.

Bahagi ito ng price monitoring na ginawa ng ahensya para matiyak na nasa tamang presyo ang bibilhing produkto ng mga consumer.

Ang grupo naman ng mga meat processor ay humihiling ng hanggang P1.50 na dagdag presyo sa kanilang mga karneng de lata gaya ng meat loaf.

Tumaas anila ang kanilang puhunan dahil sa pagtaas ng mga presyo ng imported na karne, ng produktong petrolyo, at ng halaga ng dolyar at interes.

Mas mataas pa nga anila dapat ang kanilang gusto hilingin pero hindi nila masyadong tataasan para narin di masyadong mabigatan ang mga mamimili.

Ang isa pang inaalala ng grupo ay kung tataas sa susunod na taon sa 40% mula sa 5% ngayon ang taripa sa mga imported meat.

Kung hindi anila sila mapagbibigyang magtaas ng presyo ay posibleng maapektuhan ang mga empleyado ng mga ito.

Ayon naman sa DTI, dumadaan sa kanilang pag-aaral ang anomang produktong humihingi ng dagdag presyo.

(Rey Pelayo | UNTV News)

Tags: ,