Iba’t-ibang bansa kabilang ang Pilipinas, nagpahayag ng pagkabahala sa pinakabagong missile launch ng North Korea

by Radyo La Verdad | August 30, 2017 (Wednesday) | 2838

Nagsagawa ng panibagong missile test ang North Korea kaninang umaga na dumaan sa papawiring sakop ng Japan. 5:58 ng umaga oras sa Japan isinagawa ang missle launch, 6:06 ito dumaan sa himpapawid ng Hokkaido at 6:12am naman bumagsak sa karagatan. Hindi sinubukang pabagsakin ng Japan ang missile subalit sinabi nito na isang malaking banta ang naturang hakbang.

Hinikayat ni Japanese Prime Minister Shinzo Abe ang United Nations na gumawa ng aksyon laban sa pagsuway ng North Korea sa United Nations resolutions.

Kinondena rin ng Australia, Taiwan at South Korea ang panibagong missile test ng North Korea. Samantala, kinondena din ng Pilipinas ang missile launch ng North Korea.

Ayon kay Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano, dapat itigil na ng Nokor ang ganitong hakbang na naglalagay sa panganib sa buhay ng marami.

Inatasan naman ng DFA ang embahada ng Pilipinas sa Tokyo na patuloy na imonitor ang sitwasyon at tiyaking ligtas ang mahigit sa 200,000 Pilipino sa Japan.

 

(Victor Cosare / UNTV Correspondent)

 

 

Tags: , ,