Ilang probisyon sa Hague ruling sa WPS, ipinatutupad – Duterte admin

by Radyo La Verdad | August 29, 2018 (Wednesday) | 1016

Muling binusisi ng ilang mga senador ang foreign policy ng administrasyong Duterte at kung papaano nilulutas ang usapin ng maritime rights sa West Philippine Sea (WPS).

Sa pagdinig kahapon ng Senado sa panukalang budget ng Department of Foreign Affairs (DFA).

Ayon kay DFA Secretary Alan Peter Cayetano, taliwas sa sinasabi ng mga kritiko ng administrasyon, ipinatutupad na nila ang ilan sa mga nilalaman ng arbitration ruling.

Dinipensahan din ng kalihim ang tungkol sa pinaplano ng China at Pilipinas na joint exploration sa WPS.

Ayon sa kalihim, posibleng sa susunod na mga buwan ay ilabas na nila ang framework para sa pinapanukalang joint oil at gas exploration ng dalawang bansa.

Sa kabila nito, nais pang busisiin ni Senate Minority Leader Franklin Drilon ang tungkol sa joint exploration na ito.

Pinagsusumite ng mga senador ng written briefing ang DFA tungkol sa mga isyung ito.

Hiniling naman ng DFA sa mga senador na pag-usapan ang iba pang sensitibong isyu sa isang closed-door meeting kabilang na ang nilalaman ng diplomatic protest ng bansa sa China at iba pang isyu sa WPS.

Una nang inihayag ni Sec. Cayetano ngayong buwan na posibleng magkaroon ng joint oil exploration ang Pilipinas at China sa WPS.

Bukas aniya ang China sa 60-40 na sharing ng revenues sa gas deposits.

 

( Nel Maribojoc / UNTV Correspondent )

Tags: , ,