Implementasyon ng jeepney modernization program, hindi dapat biglain – Sen. Grace Poe

by Radyo La Verdad | December 12, 2017 (Tuesday) | 27889

Nagharap ang mga lider ng ilang transport group at mga opisyal ng Department of Transportation sa pagdinig sa Senado kahapon kaugnay ng jeepney modernization program ng pamahalaan.

Dito muling inihayag ng mga transport group ang kanilang hinaing tungkol sa planong phaseout ng mga lumang jeep. Karamihan anila sa kanilang mga tsuper ay nababahala na mawalan na ng pagkakakitaan oras na magsimula ito.

Ipinaliwanag naman ni Transportation Secretary Arthur Tugade na ang programang ito ay dumaan sa maraming konsultasyon.

Hindi rin aniya maaaring idahilan na masyadong mahal ang halaga ng modernong jeep, dahil hindi lamang 1.5 million pesos ang halaga nito dahil meron ding tig-800 thousand pesos  nito.

Huwag rin dapat panghinayangan ang gagastusin dito kumpara naman sa return of investment na maaarinng kitain ng isang driver. Ngunit bukas umano sila na isaalang alang ang hinaing ng mga stakeholder sa programang ito.

Apela ni Senator Poe na kung maaari ay payagan pang bumiyahe ang mga jeep na papasa naman sa safety standards. Pakiusap pa ng senador, hayaan munang makapag-adjust ang transport sector sa programang ito bago gawing mandatory o full blast.

 

( Nel Maribojoc / UNTV Correspondent )

Tags: , ,