Nagmartsa papunta sa opisina ng Land Transportation Office ang mga transport group upang tutulan ang Compulsary Third Party Liability o CTPL
Ayon sa mga transport group, wala man lamang nangyaring public consultation ditto.
Ang CTPL ang pa¬ngunahing requirement upang makapagparehistro sa LTO ang mga vehicle owner, pribado man o pampubliko.
Subalit kamakailan ay naglabas ng memorandum circular si LTO Chief, Assistant Secretary Alfonso Tan, Jr. upang pawalang-bisa ang CTPL.
Pinalitan na ito ng Reformed Compulsary Third Party Liability o RTPL dahil sa dami ng problemang dinaranas ng mga vehicle owners sa kasalukuyang CTPL, partikular na ang kawalan ng mga opisina ng mga insurance company at kahirapan sa pagki-claim ng publiko sa tuwing may aksidente.
Magkakaroon na ng standard payment sa RTPL at hindi na aabot sa P980 hanggang P1,200 tulad ng naging kalakaran sa CTPL.
Tiniyak ng LTO na maiiwasan na ang mga bogus at fly-by-night agency dahil tanging mga malalaking insurance company lamang ang posibleng makasali sa bidding at accreditation process dahil aatasan ang mga ito na maglagak ng P100 million performance guarantee fund.
Sa pamamagitan ng P100 million na naka-trust account sa lto ay makasisiguro umano ang vehicle owners na may mapagkukunan ng pondo.
(Mon Jocson/UNTV News)
Manila, Philippines – Aapela ang grupong Stop and Go Coalition at Lawyers for Commuters Protection sa Land Transportation Office (LTO) na maglagay ng mga loading at unloading zone para sa mga uv express van.
Ito’y matapos na ipagbabawal ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa mga uv express ang magbaba at masakay ng mga pasahero sa labas ng kanilang mga terminal.
Ayon kay Jun Magno, ang presidente ng stop and go coalition ito’y upang hindi mahirapan ang mga pasahero na apektado ng bagong regulasyon.
Bukod pa rito, hihina rin aniya ang kita ng ilang driver dahil ma-aaring maraming mga pasahero ang hindi sasakay ng uv express.
Kaugnay nito magsusumite sila ng position paper sa ltfrb ukol dito.
“Bigyan nalang nila ng selective loading and unloading parang magdesignate sila ng area sa amin para sa loading and unloading para hindi rin maabuso yung policy nila” ani Stop and Go Coalition President Junn Magno.
Ganito rin ang nais na mangyari ng grupong lawyers for commuters protection.
Ayon kay Attorney Ariel Inton Presidente ng grupo, sumulat na sila sa Department of Transportation (DOTr) upang hilingin na ikonsidera ang pagkakaroon ng “selected stop” para sa mga uv express.
“Yung mga galing ng sm fairview for instance ang trabaho nila dito sa quezon city hall pero wala namang prangkisa na sm fairview to city hall so merong cubao o makati so ibig mong sabihin dun pa sila bababa saka babalik”. ani Lawyers for Commuters Protection President, Attorney Ariel Inton
Sa pahayag na inilabas ng ltfrb, muling iginiit ng ahensya na mahigpit nilang ipatutupad sa mga uv express ang pagbiyahe ng terminal to terminal lamang.
Ayon pa kay ltfrb Chairman Martin Delgra, simula pa noong nakaraang taon ay kinonsulta na nila ang mga operator ukol dito at malinaw sa mga ito na paglabag sa kanilang prangkisa ang pagbaba at pagsasakay ng pasahero sa labas ng terminal.
Samantala, nanawagan naman ang grupong stop and go coalition na tanggalin na ang excise tax na ipinapataw sa mga produktong petrolyo.
Giit ng grupo, sa halip na itaas ang pamasahe mas makakabubuti kung ang excise tax na lamang ang alisin ng gobyerno na lubhang nagpapahirap sa mga tsuper.
“Hindi dapat dagdagan ang pamasahe dapat bawasan yung taxes kasi dati naman walang excise tax nilagyan lang nila eh, may excise tax kana may vat kapa eh saan kana pupunta” ani Stop and Go Coalition President Junn Magno.
Noong nakaraang taon, naging mainit na usapin ang taas pasahe sa jeep dahil sa epekto ng dagdag buwis sa langis kasama pa ang patuloy na pagtaas ng presyo nito sa pandaigdigang merkado.
Naunang pinayagan ng ltfrb na itaas sa sampung piso ang minimum na pasahe sa jeep noong Nobyembre.
Subalit makalipas lamang ang 1 buwan ay muli itong ibinalik sa P9 dahil anila sa serye ng pagbaba ng presyo ng langis.
At sa pagtungtong ng 2019, makailang ulit muling tumaas ang presyo ng mga produktong petrolyo, dagdag pa ang epekto ng ikalawang bugso ng train law.
Dahil dito umaangal ang mga tsuper at operator dahil sa laki ng kanilang gastos, habang patuloy pa ring hinihintay na maisapinal ng ltfrb ang panuntunan para sa adjustable fare matrix scheme.
(Joan Nano | Untv News)
Tags: DOTr, LTFRB, LTO, transport group, UV Express
METRO MANILA, Philippines – Inabot ng sari-saring batikos sa social media ang Land Transportation Office (LTO) kaugnay ng pagsisimula ng online submission ng medical certificate para sa mga kukuha at nagpa-parenew ng driver’s license.
Ngayong araw sinimulan nang ipinatupad ng LTO ang Memorandum Circular 2018-2157, na nagoobliga sa lahat ng LTO offices na gawing online ang pagtanggap ng mga medical certificate ng mga nagpapa-renew ng lisensya gayundin ang mga nais na kumuha ng student driver’s license.
Nakasaad rin sa bagong memo na kinakailangang manggaling sa accredited clinic ng LTO ang medical certificate na isusumite ng mga aplikante.
Paliwanag ni LTO Regional Director Jojo Guadiz, “kasi po ang daming nga instances na ‘yung mga clinic wala naman talagang doktor na nandoon. Either secretary lang ang nandoon o kung sinu-sino lang at may mga pre-signed na medical certificate and then bitbit ng tao ‘yung medical certificate na inissue ng clinic kuno. Then dadalhin nila and then based on that, the LTO will be issuing a driver’s license relying in good faith na ‘yung tao talaga ay fit to drive samantalang hindi pala.”
Sa ilalim ng bagong patakaran, isusumite o ita-transmit electronically ng accredited na doktor ang soft copy ng medical certificate ng isang aplikante sa pamamagitan ng kanyang biometrics na nakarehistro naman sa ITsystem ng LTO.
Ngunit dahil sa bagong proseso, marami sa ating mga kababayan ang naabala at nainis sa anila’y mahabang pila na idinulot nito sa ilang mga clinic.
Sa official Facebook page ng LTO-NCR, marami ang galit at nagrereklamo dahil may mga ilan pa raw na mga clinic ang hindi pa rin accredited ng LTO kaya’t nahihirapan silang magkapag-apply ng lisensya.
Inamin naman ng LTO na hindi pa rin nila natatapos na maipasok sa kanilang it system ang listahan ng lahat ng kanilang accredited clinic, kaya’t nagkakaproblema pa rin ang ilan. Subalit sinisikap na umano nila itong matapos ngayong araw.
Humingi naman ng paumanhin ang LTO sa mga naabalang motorista at nangakong aayusin na ang sistema bukas.
Tags: electronically transmitted, first day, Land Transportation Office, LTO, memorandum circular 2018-2157, online
Nais makipagdayalogo ng grupong Alliance of Concerned Transport Operators (ACTO) kay Pangulong Rodrigo Duterte. Kaugnay pa rin ito ng modernization program ng pamahalaan.
Ngunit kung hindi umano sila kakausapin ng Pangulo bago ang ikatlong State of the Nation Address (SONA) nito ay nagbanta ang mga ito na magsasagawa sila ng malawakang tigil-pasada.
Ayon sa ACTO, pangmayayaman lamang ang jeepney modernization program ng pamahalaan kung kaya’t nais nilang makausap ang Pangulo upang mabigyan sila ng konsiderasyon
Anila, wala sa mga maliliit na transport operator ang kayang bumili ng isang bagong unit at wala ring papasa sa mga financing. Ramdam naman ng ilang operator ang hirap bago maaprubahan sa financing.
Ayon kay DOTr Usec. Tim Orbos, nakadisenyo ang modernization program para sa mahihirap na mga driver operator. Nais lamang ng DOTr na pagsamasamahin na ang mga jeepney operator sa iba’t-ibang grupo o kooperatiba upang makatipid sa gastos ang mga ito.
Para sa mga may problema sa financing para sa jeepney modernization program, bukas ang one stop shop ng DOTr sa ika-6, 13, 20, at 27 ng Hulyo sa 17th floor ng Columbia Tower sa Ortigas Avenue sa Mandaluyong City.
( Mon Jocson / UNTV Correspondent )
Tags: ACTO, SONA, transport group