Isa pang miyembro ng buratong drug syndicate, arestado sa Pasig City

by Radyo La Verdad | July 4, 2018 (Wednesday) | 5988

Naaresto ng mga tauhan ng Eastern Police District ang isa pang miyembro umano ng buratong drug syndicate sa isinagawang buy bust operation sa Pineda Pasig City kagabi. Kinilala ang suspek na si Antonio Intalan alyas Anthony.

Ayon sa Eastern Police District, si Intalan ay kabilang sa kanilang top 10 high value target.

Ayon sa pulisya, ang grupo ni Intalan ay kasama sa mga nagpapatakbo sa nabuwag na shabu tiangge malapit sa Pasig City Hall noong 2006. Nasabat sa suspek ang tatlumpu’t tatlong sachet ng suspected shabu na nagkakahalaga ng 1.2 milyong piso.

Samantala, sa diagram na prenisinta ni NCRPO Police Chief Superintendent Guillermo Eleazar, galing sa kulungan ang utak sa pagpapakalat ng droga at galamay lamang ang kumikilos sa labas. Todo tanggi naman ang suspek na sa kanya ang mga nasabat na shabu.

Kahapon isang miyembro rin ng buratong drug syndicate ang naaresto ng mga pulis at nahulihan ng mahigit isang milyong pisong halaga ng hinihinalang shabu.

 

( Victor Cosare / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,