Isa patay, 12 arestado sa drug buy bust operation ng PNP-AIDSOTF sa Quezon city

by Radyo La Verdad | October 15, 2015 (Thursday) | 2926

reynante_buy-bust
Isang drug buy bust operation ang isinagawa ng Quezon city PNP Anti Illegal Drugs Special Operations Task Force o AIDSOTF sa Quezon city kanina.

Isang pulis ang nagpanggap na buyer ng droga sa isang kilalang pusher sa Don Primitivo corner Kaligtasan st. Holy Spirit pasado alas dose kaninang madaling araw.

Pagkatapos nito ay sinalakay na ng mga pulis ang mga bahay sa lugar na hinihinalang kuta ng mga drug pusher.

Ngunit ng makita ng mga suspek ang mga pulis ay nanlaban ang mga ito ay nakipagpalitan ng putok sa mga pulis.

Patay ang isa sa mga suspek na kinilalang si alyas Onyok na nagtamo ng tama ng baril sa balikat, dibdib at noo.

Sumuko naman ang ibang mga suspek matapos silang makorner ng mga pulis.

Habang nakuha naman sa drug den ang nasa 15 sachet ng shabu, drug paraphernalias, labing isang libong piso, 38 kalibre na baril at dalawang improvised na sumpak.

Narekober din ng mga otoridad ang 6 na motorsiklo.

Ikinasa ang operasyon ng pulisya sa naturang lugar matapos ang maraming report na talamak ang bentahan ng droga sa nasabing barangay.

Sa ngayon nasa kustodiya na ang mga naaresto sa camp karingal na nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.(Reynante Ponte/ UNTV Radio Correspondent)

Tags: , ,