Japan, nangako ng 1-trillion yen na financial assistance at investments sa Pilipinas

by Radyo La Verdad | January 13, 2017 (Friday) | 1542
Japanese Prime Minister Shinzo Abe(REUTERS)
Japanese Prime Minister Shinzo Abe(REUTERS)

Mas maraming negosyo at pamumuhunan sa Pilipinas ang isa sa mga pangakong ipinangako ni Japanese Prime Minister Shinzo Abe sa kaniyang kauna-unahang pagbisita sa Pilipinas sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa loob ng limang taon, nasa isang trilyong yen o katumbas ng higit sa 420bilyong piso ang gagawing investment ng Japan sa bansa na kinapapalooban ng infrastructure projects, defense capacity building at iba pa.

Ayon naman kay Japanese Press Secretary Yasuhisa Kawamura, upang mapabilis ang economic growth sa Pilipinas, dapat na mapataas ang antas ng ease of doing business sa bansa o ang proseso ng pagtatayo ng mga negosyo.

Samantala, nilagdaan naman ang limang Memorandum of Agreement sa pagitan ng pamahalaan ng Pilipinas at Japan.

Kabilang dito ang tungkol sa economic at infrastructure development, pagsusulong ng low carbon growth, memorandum of cooperation sa pagitan ng Philippine at Japanese Coast Guard, Road Traffic Information System at ang loan agreement at guarantee letter para sa pagpapaunlad ng agribusiness sa Autonomous Region of Muslim Mindanao.

Binigyang-diin naman nina Pangulong Duterte at Prime Minister Abe ang pagkakaroon ng matibay na ugnayan ng Pilipinas at ng Japan sa state banquet na inihanda nito para sa visiting head of state.

(Rosalie Coz / UNTV Correspondent)

Tags: ,