Kampo ni VP Binay, sinabing wala pa ring naririnig na matinong sagot mula kay Sec. Edwin Lacierda

by dennis | August 5, 2015 (Wednesday) | 946

VP BINAY

Binanatan na naman ni Joey Salgado, head ng media affairs ng Office of the Vice President ang kampo ng Malacañang at sinabi na hanggang ngayon ay wala pa rin silang naririnig na matinong sagot mula sa spokesman ng Palasyo na si Sec. Edwin Lacierda ukol sa True State of the Nation Address ni Vice President Jejomar Binay.

Sinabi pa ni Salgado na wag daanin ni Lacierda sa pabalang-balang na sagot at sa sa halip ay aminin na lang umano ni Lacierda na wala siyang matinong maisasagot sa mga sinabi ni Vice President Jejomar Binay sa aniya’y totoong nangyayari sa bansa.

Ibinida pa ng kampo ni Binay na ang mga datos na kanilang ipinakita sa TSONA ay hindi umano mapasisinungalingan.
Sa TSONA ni Binay, sinabi niyang ang tunay na kondisyon ng bansa ay pahirap ng pahirap, at maraming Pilipino ang walang trabaho at patuloy na nagugutom.

Ayon pa Kay Salgado kung patuloy umano na gagawing isyu ni Secretary Lacierda ang pag-attend ng mga estudyante ng Cavite State University sa True SONA ni Vice President Binay, ay ibig niyang ipaalala na office hours noong gawin sa Club Filipino ang “gathering of friends” na dinaluhan ng mga cabinet secretaries at government officials.

“Kung mahilig sa kape si Secretary Lacierda, dapat siguro magbawas na siya. Marinig o mabasa lang n’ya ang pangalan ni Vice President Binay hina-high blood na s’ya. Nauuna ang galit. Chill lang, ser,” dagdag pa ni Salgado

Ngunit sagot ng kampo ni Lacierda, na dapat ding alalahanin ni Binay, ano nga ba ang kaniyang ginawa sa loob ng nakalipas na limang taon.

Pinabulaanan din ni Lacierda ang trivia na nagkakape siya dahil ang iniinom niya ay Coke Zero. Hirit pa ni Lacierda, hindi niya inaasahang makakapagbigay si Binay ng tamang trivia dahil hindi nga ito makapagsabi ng totoo sa mga alegasyon ng katiwalian na ibinabato dito.

“Mr. Vice President, also a reminder to you, what have you been doing for the past 5 years? Also, i drink Coke Zero…with due respect, please get your trivia straight. Sabagay, inaasahan ko po na you won’t get a simple trivia correct because up to now, you cannot even tell the truth on the allegations of corruption against you,” pahayag ni Lacierda.(Meryll Lopez, Jerico Albano/UNTV Radio)