Kaso ng robbery-theft sa Metro Manila, bumaba

by monaliza | March 20, 2015 (Friday) | 4095
File photo: UNTV News
File photo: UNTV News

Bumaba ng 25 percent ang insidente ng nakawan sa Metro Manila sa ikalawang linggo ng Marso kumpara sa mga nakaraang linggo

Batay sa datos ng Philippine National Police Directorate for Investigation and Detective Management, umabot lamang sa 310 kaso ng robbery at theft ang kanilang naitala mula March 9 hanggang 15 mas mababa kumpara sa 405 na naitala noong March 2 hanggang 8.

Ipinahayag ni PNP Officer-in-Charge Deputy Director General Leonardo Espina na ang pagbaba ng kaso ay bunsod ng kanilang Oplan Lambat-Sibat anti-crime campaign na sinimulan ni Interior Secretary Mar Roxas.

Ang Manila Police District (MPD) ang nakapagtala ng pinakamataas na pagbaba ng insidente ng krimen kung saan mula sa 100 kaso noong Marso 2 ay bumaba ito ng walo hanggang 64 insidente nitong nakaraang linggo.

Ayon sa MPD, nagkaroon ng malaking pagbaba sa bilang ng krimen sa Ermita kung saan 13 kaso lamang ang naitala noong nakaraang linggo kumpara sa 23 insidente na naitala noong Marso 2 hanggang 8.

Pumangalawa naman ang Quezon City Police District (QCPD) kung saan nakapagtala lamang ng 138 inisdente ng krimen ngayong linggong ito.

Mula sa 793 insidente noong Hunyo 16, 2014 hanggang Enero 4, 2015, unti-unting bumaba ang mga ‘crimes against property’ bawat linggo na lumipas.

Tags: , , , , , ,