Kaso ni Mighty Corp. owner Wong Chu King, handang kalimutan ng Pangulo kung magbabayad ng doble sa tax liabilities

by Radyo La Verdad | March 10, 2017 (Friday) | 1388


Payag si Pangulong Rodrigo Duterte na kalimutan ang tax liabilities ng may-ari ng Mighty Corporation na si Alex Wong Chu King kung papayag ito sa kaniyang kondisyon.

Ayon sa pangulo, sa taya ng finance department nasa 1.5 billion pesos ang atraso ng negosyante sa pamahalaan.

Aniya payag siyang huwag nang ikulong si Wong Chu King subalit doble sa halaga ng kaniyang tax liabilities ang dapat bayaran nito sa pamahalaan.

Ayon sa punong ehekutibo gagamitin ang tatlong bilyong piso sa pagpapagawa ng ospital sa Basilan, Jolo at sa Mary Johnston Hospital sa Tondo.

Subalit giit ng ilang negosyante kay Pangulong Duterte, kulang ang tatlong bilyong piso.

Ayon sa Pangulo sakaling pumayag ang negosyante sa kaniyang alok, hindi sa kaniya ibibigay ang pera kundi idadaan ito sa Department of Health para sa pagpapagawa sa nabanggit na mga pagamutan.

(Victor Cosare / UNTV Correspondent)

Tags: ,