Kasong illegal recruitment, isasampa ngayong araw laban sa mga recruiter ni Veloso

by dennis | May 8, 2015 (Friday) | 1836
Maria Kristina Sergio, ang umano'y recruiter ni Mary Jane Veloso
Maria Kristina Sergio, ang umano’y recruiter ni Mary Jane Veloso

Aprubado na ng Department of Justice isasampang kaso laban sa umano’y dalawang recruiter ni Mary Jane Veloso na sina Maria Kristina Sergio at Julius Lacanilao.

Ito’y matapos makakita ng probable cause si Assistant State Prosecutor Mark Roland Estepa para sampahan ang dalawa ng kasong paglabag sa Section 6 ng Republic Act no. 8042 o ang “Migrant Workers and Overseas Filipinos Act of 1995” at inirekomenda na hindi sila maaaring makapagpiyansa dahil itinuturing itong large scale illegal recruitment.

Samantala, isasailalim pa sa preliminary investigation ang kasong paglabag sa Article 315 ng Revised Penal Code o ang kasong estafa at human trafficking.

Ngayong araw ay ihahain na ng DOJ ang kasong illegal recruitment sa regional trial court sa Nueva Ecija.

Martes ng gabi ng sumailalim sa inquest proceedings ang kampo ni Sergio at Lacanilao kung saan humarap ang pamilya ni Mary Jane kay Estepa habang humarap naman kinabukasan ang iba pang sampung bagong complainants na nauna naring nagbigay ng kanilang sinumpaang salaysay sa NBI.(Jerolf Acaba/UNTV Radio)

Tags: , , , ,