Kontrata ng mga kontrakwal na manggagawa sa pamahalaan, pinahaba ng 2 taon

by Radyo La Verdad | November 15, 2018 (Thursday) | 5161

Dalawa’t kalahating taon ng kontraktual employee sa Bureau of Fisheries and Acquatic Resources (BFAR) si Adrian Mendizabal. Maliban sa buwanang sweldo, nakakatanggap din siya ng travel allowance dahil isa siyang information officer na nagbabahagi ng mga programa sa iba’t-ibang lugar sa Pilipinas.

Dahil sa memo na inisyu ng Commission on Audit (COA) sa BFAR, tinanggal ang kanyang travel allowance, pero tinaasan naman ang buwanang sweldo.

Gayunpaman, para kay Adrian, malaki pa rin ang pagkakaiba kung ikukumpara sa mga regular employees na may natatanggap na mga benepisyo at may oportunidad na makapangutang sa gobyerno.

Matatapos na sana ngayong Disyembre ang kontrata ni Adrian dahil sa Joint Circular No.1, series of 2017 ng Civil Service Comission (CSC), Commission on Audit (COA) at Department of Budget and Management (DBM).

Pero dahil inamiyendahan ang naturang circular nitong ika-9 ng Nobyembre, napahaba pa ng dalawang taon ang kontrata ni Adrian, kasama na rin ang iba pang libo-libong kontraktuwal at job order workers ng pamahalaan.

Para sa Confederation for Unity Recognition and Advancement of Government Employees (COURAGE), bagaman itinuturing itong tagumpay, hindi pa rin sapat para masolusyunan ang kontraktuwalisasyon.

Ayon sa grupo, nasa mahigit 700,000 ang government contractual workers sa buong bansa at palaisipan din sa kanila ang kampanya ng Duterte administration na nagsusulong din ng regularisasyon, lalo na sa mga private companies.

Layunin ng Joint Circular No.1, series of 2018 na pigilan ang talamak na pagdami ng bilang ng contractual workers.

Pero tila taliwas naman umano ito sa kabuuang desisyon dahil pinapalawig lang ang kontrata hanggang dalawang taon, imbes na gawing mga regular ang mga empleyado.

Nananawagan din ang grupo ng COURAGE na ilabas na ng BDM ang pondo para sa mga kasalukuyang J.O. workers ng DSWD na simula noong Oktubre ay wala pa ring natatanggap na sweldo.

Patuloy na isusulong ng grupo ang regularisasyon habang pinapatupad ang J.C. no. 1 sa loob ng dalawang taon.

Pero pangamba ng mga contractual government workers, kung sakaling hindi sila mareregular at aabutin sila ng Disyembre 2020, may pagkakataon pa rin silang maipagpatuloy ang trabaho pero sa paraan ng third party agency.

Ibig sabihin, naka-outsource mula sa isang manpower agency ang mga empleyadong nais ipagpatuloy ang trabaho sa gobyerno.

 

( JL Asayo / UNTV Correspondent )

Tags: , ,