Labi ni alyas “Kulot” na kasama umano ni Carl Angelo Arnaiz, nakita sa Nueva Ecija

by Radyo La Verdad | September 7, 2017 (Thursday) | 3944

Matapos ang tatlong linggong paghahanap, natagpuan na ang katorse anyos na si Reynaldo De Guzman alyas Kulot sa Gapan, Nueva Ecija. Si De Guzman ang sinasabing kasama ng dating UP student na si Carl Angelo Arnaiz noong mawala ito gabi ng August 17.

Ayon sa Gapan City Police September 5, araw ng Martes dakong ala una y medya ng hapon nang itinawag sa kanilang opisina ang natagpuang bangkay sa Sitio Kinamatayang Kabayo creek sa barangay San Roque sa Gapan City.

Nakabalot umano ito sa isang  sako at mayroong nasa tatlumpong saksak sa iba’t-ibang bahagi ng katawan. Positibo itong kinilala ng kanyang mga magulang sa isang punerarya bilang si Reynaldo. Magkahalong galit at panlulumo ang nadama ng mga ito sa sinapit ng anak.

Paniniwala ni Gapan City Mayor Emerson Pascual, itinapon lamang sa kanilang lugar ang biktima. Samantala, pinaiimbestigahan na ng Department of Justice sa National Bureau of Investigation ang pagkamatay ni Reynaldo.

 

(Danny Munar / UNTV Correspondent)

 

 

Tags: , ,