LGUs sa Metro Manila, prayoridad na mabakunahan ang mga estudyante bilang paghahanda sa face-to-face classes

by Radyo La Verdad | November 6, 2021 (Saturday) | 2277

Walang paaralan sa Metro Manila na kabilang sa listahan ng mga lalahok sa isasagawang pilot face-to-face classes sa darating na November 15. Ito ay sa kabila ng classification ng Department of Health na nasa low risk na ng Covid-19 ang national capital region.

Gayunpaman, sinabi ng DEPED na maaaring makasama ang Metro Manila sa susunod na batch ng mga eskwelahan na papayagang makasali sa limited face-to-face classes, kaya naman naghahanda na ang mga lokal na pamahalaan sa Metro Manila para rito.

Sa Pasig City, prayoridad ng LGU na mabakunahan ang nasa 46,000 na mga estudyante sa mga pampublikong paaralan sa lungsod.

“The schools are ready, the teachers are ready vaccination pinaka-importanting step natin kasi gusto na nating bumalik sa face-to-face classes but we want to do it in a safe way,” ayon kay Mayor Vico Sotto, Pasig City.

Sa Marikina City naman target ng LGU na mabakunahan ang 70 percent school population para maabot ang her immunity.

“Ang pagbabakuna ay mangyayari on a first school basis dahil gusto nating mamonitor kung mababakunahan natin yung 70 percent ng school population dahil ito yung target natin para sa herd immunity ng mga paaralan. Ito rin ay ginagawa natin bilang paghahanda sa limited face-to-face classes sa darating na taon o sa susunod na taon,” pahayag ni Mayor Marcy Teodoro, Marikina City.

Habang bukas naman sa mga non-resident students ang San Juan City LGU sa mga estudyanteng nag-aaral sa lungsod.

“Importanteng yung mga mag-aaral dito sa aming lungsod ay bakunado na. Kung kayo po ay taga ibang lungsod ngunit dito nag-aaral you can off to get our vaccination here or off to get vaccinated in your city,” ayon kay Mayor Francis Zamora, San Juan City.

Nakikipagtulungan na rin ang LGUs sa school division offices ng DEPED para mas mapabilis at mas marami pang mga kabataan ang mababakunahan kontra Covid-19.

Janice Ingente | UNTV News

Tags: , ,