MacArthur Leyte mayor, itinangging may katiwalian sa pagbibigay ng permit sa mining company sa lungsod

by Erika Endraca | November 27, 2020 (Friday) | 131

Mariing itinanggi ni MacArthur Leyte Mayor Rudin Babante ang paratang ng ilang mga residente ng isang pari hinggil sa umano’y maanomalyang kasunduan sa pagitan ng alkalde at ng MacArthur Iron Sand Project Corporation (MIPC) sa pagbibigay nito ng permit upang magoperate ang nasabing mining firm sa lugar.

Sa pahayag ni Babante sa isang press conference, nakapagcomply na ang MIPC ng mga kinakailangang dokumento mula sa national, provincial, at hanggang sa baranggay bago pa man ito bigyan ng permiso ng lokal na pamahalaan na makapagoperate ng black sand mining sa naturang lugar.

Dagdag pa ng alkalde na wala itong nakuhang pera o nagalok man ang nasabing mining company kapalit ng permit mula sa kanya. Nilinaw din ni Babante sa MIPC na hindi ito mabibigyan ng permit na mag-operate hanggat hindi ito nakapagpasa ng mga kinakailangang papeles lalo na sa Baranggay Maya kung saan ito balak mag-operate.

Itinanggi rin ng MIPC ang mga alegasyon sa kanila na nagooperate na ito at nagaangkat na ng black sand na walang valid permit dahil hindi pa man din sila nagsisimulang mag-operate liban na lamang sa pagpapatayo ng mga imprastraktura na kakailanganin kapag handa na ito sa full blast operation.

“The project has secured all necessary permits, licenses, and approvals necessary to bring the business operation to its current stage. There is no commercial production yet. Equipment necessary for production has recently been assembled and are undergoing commissioning and debugging,” dagdag pa ng management ng MIPC.

Naniniwala naman ang alkalde na ang pang-idustriyang gawaing ito ay maaaring maging pasimula ng pag-unlad ng lungsod sa nakalipas na 30 taon. Ayon kay Babante mayroon nang humigi’t kumulang na 300 residente ang empleyado na ng MPIC na nakapaginvest na rin ng Php500 Million sa lungsod.

(Syrixpaul Remanes | La Verdad Correspondent)

Share and Enjoy !

0Shares
0 0

Tags: