Mahigit 70 Muslim areas sa Metro Manila, minomonitor ng NCRPO

by Radyo La Verdad | March 8, 2018 (Thursday) | 5093

Nakikipag-usap na sa mga Muslim leaders sa Culiat, Quezon City, Quiapo sa Maynila at Maharlika Village sa Taguig City ang National Capital Region Police Office kaugnay sa kanilang ginagawang paghahanap sa mga kasamahan ng mga naarestong miyembro ng ISIS at Maute group sa Metro Manila.

Matatandaang naaresto noong isang linggo ang ISIS leader na si Fehmi Lassqued sa Ermita, Manila at ang sub-leader ng Maute group na si Abdul Nasser Lomondot at asawa nito na si Raisalam sa Recto, Manila noong Sabado.

Ayon kay NCRPO Chief Oscar Albayalde, hinihingi nila ang tulong ng mga Muslim leaders sa pagmomonitor sa mahigit pitumpung Muslim areas sa Metro Manila na posibleng pinagtaguan ng mga terorista.

Aminado ang NCRPO na sa mga depressed areas madalas na nagsasagawa ng recruitment ang mga terorista. Subalit wala pang namomonitor ang NCRPO na bagong teroristang nakapasok sa Maynila.

Batay sa datos ng Armed Forces of the Philippines, nasa 313 pa ang miyembro ng Maute group sa Mindanao at 10 sub-commander ang nakakalat sa iba’t-ibang panig ng bansa.

 

( Lea Ylagan / UNTV Correspondent )

Tags: , ,