Mahigit sampu, sugatan sa Anti- Trump protest sa Maynila

by Radyo La Verdad | November 14, 2017 (Tuesday) | 197

Anim ang sugatan sa mga pulis habang hindi naman bababa sa sampu ang nasaktan sa mga raliyista nang magkagirian ang mga ito sa Maynila kahapon sa kasagsagan  ng isinasagawang Anti-Trump rally ng mga militante.

Nag-umpisa ito ng tangkain ng mga raliyista na makatawid sa barikada sa Padre Faura St. upang makarating sa PICC kung saan isinasagawa ang ASEAN Summit. Dahil dito, binomba ang mga ito ng mga otoridad ng tubig mula sa mga fire truck na nakaantabay sa lugar.

Sa huli ay umalis ang mga raliyista at nagtungo na lamang sa harapan ng Supreme Court upang doon ituloy ang kanilang kilos-protesta. Sigaw ng mga ito paaalisin ang U.S. troops at pagbawalan na pumunta si U.S. President Donald Trump sa bansa.

Ayon sa mga militanteng grupo, iisa ang dahilan ng Asian tour ni President Trump sa APEC sa Vietnam at ASEAN Summit dito sa Pilipinas.

Naghahanap umano ito ng makakakampi sa umano’y napipintong giyera sa pagitan ng Amerika at North Korea. Paliwanag ng mga militante na dapat maging patas ang Estados Unidos sa gusto nitong mangyari sa North Korea.

Sinunog din ng  mga ito ang higanteng effigy ni U.S. President Trump bilang bahagi ng kanilang protesta. Sumisimbolo umano ito sa pagkontrol ng Amerika sa napakaraming bansa sa mundo kabilang na ang Pilipinas.

Samantala, tiniyak naman ni National Capital Region Police Office Chief Oscar Albayalde na sasampahan ng reklamo ang mga militanteng sangkot sa panggugulo sa kilos-protesta kahapon.

 

( Mon Jocson  / UNTV Correspondent )

 

 

Leave a Reply