Maraming Pilipino nababahala sa kalusugan ni Pangulong Duterte – SWS survey

by Radyo La Verdad | January 10, 2019 (Thursday) | 176
Kuha mula sa PCOO Facebook Page

MANILA, Philippines – Tiniyak ng Malacañang sa publiko na walang dapat ipag-alala sa kalusugan ni Pangulong Rodrigo Duterte matapos lumabas ang pinakahuling survey ng Social Weather Stations o SWS na 66 porsyento ng mga Pilipino ang nababahala sa health condition ng punong ehekutibo.

Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, walang pangangailangang maglabas ng medical bulletin ang Presidente.

Ito ay lalo na’t transparent naman ang punong ehekutibo at ito mismo ang nagsasapubliko ng kalagayan ng kaniyang kalusugan.

Batay sa December 2018 social weather report, tumaas ang bilang ng mga Pilipinong nag-aalala sa kalusugan ng punong ehekutibo ng 11 porsyento kumpara sa September 2018 survey.

Mula 55 percent, umakyat ito ng 66 percent.

Dagdag pa rito, 49 percent naman ang naniniwalang may problema sa kalusugan si Pangulong Duterte, 24 percent ang ‘di naniniwala at 27 percent ang undecided hinggil sa isyu.

Tinitingnan naman ng Malacañang bilang positibo ang ulat na ito at nangangahulugan aniyang mas maraming Pilipino ang nag-aalala sa Pangulo at nananalangin para sa kaniyang kalusugan.

(Rosalie Coz | UNTV News)