Mas pinadali at mabilis na paglalabas ng fuel subsidy, iniutos ni PBBM

by Radyo La Verdad | October 25, 2023 (Wednesday) | 10205

METRO MANILA – Mas pinadali na ang release requirements para sa paglalabas ng pondo at pamimigay ng ayuda sa mga driver na labis na naaapektuhan ng pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.

Sa ilalim ng guidelines, kailangan na lamang ito aprubahan ng Department of Budget and Management (DBM), Department of Transportation (DOTr) at ng Department of Energy (DOE).

Ang pagsasapinal ng benepisyaryo ng fuel subsidy ay ipapaubaya sa DOTr para sa mga may prangkisa, DILG sa tricycle drivers at dti naman ang gagawa ng listahan para sa delivery service drivers.

Kaugnay nito, inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Junior ang kinauukulang ahensya na baguhin ang lengwahe na nakapaloob sa 2024 proposed budget partikular na ang ukol sa pagpapaikli sa trigger period para sa pagbibigay ng fuel subsidy.

Ibig sabihin nito, kapag tumaas ang Dubai price per barrel sa $80 sa loob lamang ng 1 buwan maaari nang ibigay ang subsidies para sa public transport sector drivers at hindi na maghihintay pa ng 3 buwan.

Inaprubahan rin sa pulong ang boluntaryo na dagdag na porsiyento sa paghahalo ng ethanol sa gasoline mula sa 10% ay maaaring itaas ito sa 20%.

Bukod dito, nais maisulong ng pangulo ang e-vehicle sa transport sector.

Kaugnay nito, nais ng pangulo na makapaglagay ng charging stations at makapaghanda na rin ang bansa sa pagpasok sa manufacturing ng electric vehicles.

(Nel Maribojoc | UNTV News)

Tags: , ,